Utang sa bangko ng OFW sa Qatar balakid sa pagpapauwi sa Pinas

ISANG maysakit na overseas Filipino worker (OFW) sa bansang Qatar ang hindi makauwi ng Pilipinas dahil sa hindi nito mabayaran ang mahigit sa P1milyong utang sa isang bangko sa Doha, ayon sa ulat ng grupong Migrante Middle East kahapon.

Kinilala ni John Monterona, regional coordinator ng Migrante-ME, ang OFW na si Tomas Barandon, 62 anyos at tubong Taytay, Rizal.

Ayon kay Monterona, hindi mabibigyan ng final exit clearance ng Doha immigration authorities si Barandon hanggang hindi inaayos ng OFW ang pagkakautang na 90,000 Qatari Riyals o katumbas ng mahigit sa P1M.

Sinabi pa ni Monterona na nakausap niya sa telepono si Barandon kamakailan at humiling ito sa Migrante na matulungan upang makabalik na sa Pilipinas.

“Bukod sa pagkakautang, nakaratay din sa Hamad Medical Center sa Doha, Qatar ang kababayan dahil sa sakit sa puso,” dagdag pa ni Monterona nang makausap nito ang Pilipino nars na umaasikaso sa OFW.

Umapela na rin ang pamilya ni Barandon sa pamahalaan na tulungan ang kanilang ama upang makapiling na nila ito sa Pilipinas.

Sinabi rin ni Monterona na inilapit na nila kay OWWA Administrator Carmelita Dimzon ang kaso ni Barandon upang bigyan ng direktiba ang welfare official na makipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas sa Doha upang asikasuhin ang kalagayan ng OFW.

Ayon pa sa Migrante, nakausap na umano ni Barandon ang mga opisyal ng embahada at sinabi sa OFW na handa na ang kanyang pasaporte at clearance mula sa kanyang naging sponsor at hinihintay na lamang ang bank clearance para mabigyan ito ng final exit clearance ng pamahalaan ng Qatar.

Iminungkahi rin ni Monterona sa pamahalaan na makipag-usapan sa bangkong pinagkakautangan ni Barandon upang hikayatin na kung pwede ay huwag nang singilin ang interest sa utang bilang konsiderasyon sa kalagayan ng OFW.

Ayon naman sa embahada, hinihintay na lamang nila ang Qatari Social Welfare Ministry na nangakong tutulong sa kalayagan ni Barandon.

Si Barandon ay unang nagpunta sa Gitnang Silangan noon 1979 kung saan nadestino ito sa Iraq bilang isang general foreman.

Taon 2006 ay natanggal ito sa trabaho sa Doha at hindi na nakahanap na ng permanenteng trabaho kaya hindi nito nabayaran ang pagkakautang sa bangko. Hindi naman nabanggit ng Migrante kung papaano nagkautang ang OFW sa bangko.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply