Visa ng mga dayuhang ipinanganak sa Pinas, itutulad sa kanilang mga magulang- BI

SIMULA sa susunod na taon, kakanselahin na ng Bureau of Immigratio (BI) ang visa na ibinigay sa mga dayuhan na ipinanganak sa Pilipinas.

Sa isang kalatas na ipinalabas kahapon, sinabi ni BI Alien Registration Division (ARD) chief Ronaldo Ledesma na mali ang naibigay na visa sa mga dayuhang ipinanganak sa Pilipinas.

Aniya, dapat kapareho rin sa visang ibinigay sa kanilang mga magulang ang itinatak sa pasaporte ng mga dayuhang isinilang sa bansa.

Ito ay matapos na matuklasan ng tanggapan ni Ledesma na mali ang visang hawak ng mahigit sa dayuhang ipinanganak sa Maynila. Batay sa pagsusuri, nabigyan ng permanent visa ang mga dayuhang isinilang sa Pilipinas, samantalang non-immigrant visa naman ang hawak ng kani-kanilang magulang.

Ayon pa kay Ledesma, tumayong officer-in-charge (OIC), ang pagkakamali ay bunsod ng kawalan ng malinaw na patakaran hinggil sa mga dayuhan na isinilang sa Pilipinas, subalit nga banyaga ang mga magulang.

Naniniwala rin si Ledesma, may akda ng mga aklat hinggil sa patakaran ng batas ng pandarayuhan sa bansa, na dapat kapareho lamang ang hawak na immigrant at non-immigrant visa ng mga dayuhang ipinanganak sa Pilipinas sa kanilang mga magulang dahil pansamantala lamang ang kanilang paninirahan sa bansa.

Sa ipinalabas na memorandum order ni BI Commissioner Ricardo David, itinakda ng kawanihan ang malinaw na alituntunin kung ano ang ibibigay na visa sa mga dayuhan, 18 anyos pababa, na sa Pilipinas na isinilang.

Sa kautusan na sinang-ayunan ni Justice Secretary Leila De Lima, sinabi ni David na dapat kapareho lamang sa visa na ibinigay sa kanilang magulang sa mga dayuhang sinilang sa Pilipinas.

Inatasan din ni David ang tanggapan ni Ledesma na magsagawa ng imbentaryo hinggil sa dami ng maling visa na naibigay sa mga dayuhan at atasan ang mga ito na magsumite ng panibagong aplikasyon para maitama ang hawak na visa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply