Voters registration sa bansa sinuspinde ng Comelec

INANUNSYO ng Commission on Elections (Comelec) ang suspensiyon sa isinasagawang voters registration sa bansa.

Ayon sa Comelec, ang suspensiyon ng voters registration sa lahat ng non-ARMM areas ay nagsimula nitong Hunyo 25 at magtatagal hanggang Hulyo 31, 2012.

Layunin umano ng suspensiyon na bigyang-daan ang isasagawang general registration ng mga botante sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

“On the basis of the structural requirement of registration equipment and personnel to be deployed in the ARMM areas, all the cities and municipalities in the non-ARMM areas are affected by such deployment,” anang Comelec Resolution No. 9474, na-promulgate noong Hunyo 21, 2012.

Nabatid na ang general registration of voters sa ARMM ay isasagawa sa Hulyo 9 hanggang 18, 2012 matapos na ipinawalang-bisa ng mataas at mababang kapulungan ng Kongreso sa isang joint resolution ang book of voters ng lahat ng munisipalidad at siyudad sa ARMM.

Nangangahulugan ito na wala kahit sino sa ARMM ang maituturing na rehistradong botante, maliban kung magpaparehistrong muli ang mga ito.

Nakasaad sa Joint Resolution No. 3 na ang voters list sa ARMM ay kailangang ipawalang-bisa dahil sa dami ng mga iligal at kaduda-dudang registered voter sa rehiyon na kailangang alisin.

Sa datos ng Comelec, nabatid na mayroong 1,778,817 registered voters sa limang lalawigan ng ARMM na kinabibilangan ng Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Maguindanao at Lanao del Sur.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply