Waiver sa SALN at mga tutang hukom

NAGHAHANAP na ang Judicial Bar Council ng kapalit ni ex-Chief Justice Renato Corona.
Nagbalot na si Corona sa kanyang opisina at hinakot na niya ang lahat ng kanyang gamit saka nagbabay sa Korte Suprema.
Ginawa ito ni Corona makaraan niyang sabihin na hindi na siya maghahabol o mag-aapela pa sa desisyon ng kanyang pagkasibak sa puwesto at babalik na lamang sa pribadong buhay.

Dagdag na patakaran
Maraming requirement ang JBC para sa mga aplikante sa posisyon na Chief Justice.
Nilalaman ng Konstitusyon ang mga batayang requirement para maging Chief Justice ang isang abogado.
Halimbawa sa mga qualification ang pagiging natural born ng CJ, pagkakaroon ng edad na 40 ang CJ, pagiging huwes o practice of law sa loob ng 15 taon.
Dapat din umanong malalim ang talino nito, may integridad, marunong sa paggampan ng kanyang tungkulin bilang abogado at independiyente o hindi tuta ng kung sino-sino?
Pero dahil sa mapait na karanasan kay Corona, nagdagdag ang JBC ng isang patakaran.
Kailangan na pumirma sa waiver sa Statement of Assets, Liabilities and Networth ang aplikante.
Sa waiver na ito, malaya ang JBC na ungkatin ang mga kayamanan at utang ng aplikante bago ito isama sa mga listahan ng mga kwalipikado.
kailangan ba?
Dito sa huling patakaran, ewan lang natin kung may kukuwestiyon.
Dahil hindi naman sinasabi ito ng Konstitusyon.
Baka may makaisip na gawan ito ng petisyon sa Korte Suprema para maideklarang unconstitutional.
Ang malinaw lang kasi na naging leksyon natin sa kasong impeachment ay ang pagpasok mo sa gobyerno ang simula ng pagsusumite mo ng SALN at kapag lalabas ka na rin.
Ito’y para makita kung normal ang yaman at utang mo, kung meron, at hindi abnormal dahil sa posibleng pagnanakaw sa kaban ng bayan o korapsyon.

Babaeng chief justice
Sabi mismo ni Pangulong Noynoy, may mga kwalipikadong babae para maging CJ.
Kilala na ninyo sila at kabilang dito sina Justice Secretary Leila de Lima at Internal Revenue Commissioner Kim Henares.
Kaya lang, may tumitirador sa mga ito. May halo umanong pulitika ang kanilang katauhan gaya ng pagiging mga tauhan ni PNoy.
Masisira umano ang “independence” ng isang CJ kung isa sa mga ito ang mapipili. Sa ibang salita, maaaring maging tagapayong lang ang mga ito ni PNoy gaya ng ginawa ng isang Chief Justice noong panahon ng martial law.
Sa literal na usapan yan.
Pero sa mas malalim na usapan, magiging tuta lang ang mga ito ni PNoy?
Ewan natin, mga Bro.
MASASAGASAAN ANG NASA SC
Halimbawa namang matuloy ang pagpasok ng isang babae bilang CJ, tiyak  namang may iiyak mismo sa Supreme Court.
May ilan diyan na sinasabing senior justices ng SC.
Sila ang unang-unang iiyak kung iba-bypass sila at kukuha si PNoy ng outsider.
May maiinggit naman mula sa mga aplikante na galing sa Court of Appeals.
Halimbawa ngang mababalewala ang mga senior justice, makaaasa ba ang bagong CJ ng mainit na pakikipagtulungan ng mga senior citizen diyan?
Ang sabi, inihabilin ni Corona na maki-cooperate ang lahat dapat sa sinomang magiging CJ, pero hindi kaya mauulit ang mga hidwaan gaya ng hidwaan na naganap sa pagitan ni Corona at ilan sa mga nadatnan niya riyan?
Naiisip natin, mga Bro, baka naman may pagkilos na naman para sa impeachment ng bagong CJ.
At diyan na magkakaloko-loko ang SC.

KAKAGAT SA WAIVER
Tiyak namang may kakagat sa waiver sa SALN.
Halo-halo ang gagawa niyan.
‘Yun bang === guilty at inosente sa anomang nakaw o tagong yaman o pagsisinungaling kaya mismo sa SALN.
Kasi naman, mga Bro, hindi naman talaga ang JBC ang magtatalaga ng CJ kundi ang Pangulo ng Pilipinas.
Ang sabi pa nga, pupuwedeng pumili ang Pangulo nang wala sa listahan at rekomendasyon ng JBC.
Kung ano ang gusto ng Boss, siya ang masusunod.
Sa puntong ito, balewala ang waiver sa SALN.
Basta bata ka ng Pangulo ng Pilipinas, ikaw ang magiging CJ.
Ang masama riyan ay kung magiging tuta talaga yan.
Sa halip na pairalin nito ang independence mula sa Kongreso at Malakanyang, paiiralin nito ang utang na loob.
Diyan muling masisira ang Supreme Court.

Mag-ingat sa pagpili
Ingat, ingat, ingat at ingat pa.
Ito ang dapat na gawin ng Pangulo ng Pilipinas sa pagpili ng bagong CJ.
Bukod sa mga kwalipi- kasyon na sinasabi ng Korte Suprema, dapat na sa desisyong gagawin ng CJ, ang batas at katarungan ang lalabas.
Dapat din nitong makayanang ihiwalay maging ang mga huwes sa ibaba mula sa kamay ng mga politiko.

Mga tuta
Nababanggit natin ang mga huwes sa baba, mga Bro, dahil sa laki ng ginagampanan ng mga politiko sa kanilang pagkakapili bilang huwes.
Maraming huwes ang nakapapasok bilang huwes dahil ang nag-apruba ay hindi ang JBC kundi ang mga politiko.
Sa pagiging tuta ng mga huwes, nasisira ang mga batas at katarungan.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph, itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply