Waiver, waiver lang yan

SA hindi maipaliwanag na dahilan, mukhang naging mas pogi pa si dating Chief Justice Renato Corona dahil sa pinirmahan niyang waiver para mabuksan ang lahat ng bank accounts niya at mabusisi ang laman nito.

Sa mga humihirit na wala namang makikita dahil kinuha na niya ito lahat, huwag po nating kalimutan na may transaction records na maaaring magsabi kung ano ang nangyari sa pera sa mga bank account na iyon.

Pero hindi iyon ang pinupunto ng Free Spits.

Ang napansin lang natin, biglang naging klaro sa mga mata ng mamamayan kung sino ang ipokrito at tapat na politiko at public servant.

Noong kasagsagan ng impeachment trial ni Corona, lahat ng kalaban niya ay ngawngaw nang ngawngaw na dapat na ilantad ang kanyang kayamanan para malaman kung siya nga ay isang korap na mahistrado.

Naging matunog ang salitang “waiver” ng hingin ito nina Congressman Neil Tupaz at Pangulong Noynoy Aquino para umano makita ang yaman ng natanggal na Punong Mahistrado.

Bago matapos ang impeachment trial ni Corona, pumirma ito ng waiver na hinihingi nila.

Meron lang ngang kondisyon noong una na dapat ay may ibang kasali rin, lalo na yung maiingay na pumirma siya ng waiver.

Pero sa bandang huli, ibinigay rin ni Corona ang waiver niya at ‘di nagtagal, naalis siya sa puwesto bilang SC Chief Justice.

Ngayon, humihirit naman ang bayan, dapat din umanong magbigay ng waiver yung mga hataw nang hataw na ibigay ito ni Corona para malaman kung yung nag-aakusa ay mas malinis sa inaakusahan.

Ang resulta po, unang tumanggi yung mga taong maingay at mabangis ang paghingi ng waiver kay Corona.

Sina Presiding Judge Juan Ponce Enrile, Senator Franklin Drilon, Congressman Neil Tupas, Pangulong Noynoy Aquino at marami pa sa kanila ay biglang lumutang ang ugaling ipokrito.

Opo, ipokrito po ang tawag sa kanila dahil yung bagay na ginamit nila para ibitay ang kanilang kalaban ay hindi nila magamit para ipakita na sila’y walang sala. Ayaw nilang pumirma sa waiver!

Dahil sa totoo lang po, kasalanan din nila ang parehong sala na ipinukol nila kay Corona. At isa ito sa mga kasalanan sa Banal na Libro na mismong ang Panginoong Jesus ang nagbabala nang sabihin niyang “unang pumukol ng bato ang walang sala!”

Sabi nga ni Sen. Chiz Escudero, ang bago kong idolo sa Senado, kung ano ang pwede sa inakusahan, nararapat din sa umaakusa. “The sauce for the goose should be the same for the gander,” ika nga.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply