Wala sa uso si Atty. Alan Paguia

NAKILALA ko si Atty. Alan Paguia noong kapapasa ko pa lamang ng BAR exam.

Bago akong abogado at upang makapagsimula ako sa aking propesyon ay ipinasa ng aking ama, Atty.  Antonio Enrile – Inton ng Samal, Bataan, ang kanyang law office.

Isa rito ay ang family friend na si V.C. Ponce. Si Atty. Alan noon ang in-house lawyer ni V.C.P. kaya’t marami sa mga kaso ni V.C.P. ay magkatuwang kami ni Alan.

Mahusay na abogado si Alan.  At may malasakit sa kliyente. Batas ang kanyang sandata at may kakaibang tapang pagdating sa laban sa hukuman.

Wala siyang kinatatakutan at “unpopular” man ang kaniyang panig, ipinaglalaban pa rin niya ito.

Noong dekada ‘90, may kaso kami na nanalo hanggang Court of Appeals. Pagdating sa Korte Suprema ay nagkaroon ng problema. Hindi kinatigan ang posisyon ni Alan. “Pare, ang linaw ng batas. Tinuro ko ito sa College of Law sa Ateneo. Bakit hindi ba alam ng Supreme Court ito?”

Ang himutok ni Alan. Marami siyang motion na inihain sa Korte Suprema noon at lahat ay DENIED.

Sa pikon ni Alan ay naglathala siya ng one page advertisement sa mga pahayagan ang title ay “AN APPEAL TO GOD”. Inaapela na niya ang desisyon ng Korte Suprema sa DIYOS!

‘Di man niya ibinulgar ang kanyang nalalaman na di umano’y “nangyari” sa kaso ay buong tapang niyang inilabas ang legal arguments niya sa advertisement para ipakita na mali ang Korte Suprema.

Ilang taon ang lumipas ay naging issue ang “hoodlum in Robes” o mga hukom na korap ang nasabit dito. Naglabas ng statement ang Korte Suprema na “COME OUT IN THE OPEN AND NAME NAMES” kung sino ang corrupt na judges.

Sinunod ito ni Alan. He went out in the open at pinangalanan ang ilang Supreme Court justices na korap at dapat imbestigahan.

Ano-anong nangyari? Ilang araw lamang ay nagpalabas ng “SHOW CAUSE ORDER” ang Korte Suprema laban kay Alan “to explain” bakit hindi siya dapat idis-BAR o tanggalan ng li-sensya bilang abogado dahil sa ginawa niya.

“Ariel, pare, tingnan mo itong Supreme Court, sabi come out in the open and name names. Ginawa ko at pinangalanan ko ang ilan sa kanila tapos ako parurusahan?”

Noong napatalsik si President Joseph Estrada, ay idinulog sa Korte Suprema ang tanong kung ligal ba na naging pangulo si Gloria Macapagal Arroyo.

Hindi naman nag-resign si Erap at umalis lang ng Malacañang.

Nag-decide ang Korte Suprema na “OO” base na sa “constructive resignation” ni Erap. Ibig sabihin ay noong umalis siya ng Malacañang, para na rin siyang nag-resign bilang pangulo.

Kinontra ito ni Alan at sinabing hindi nag-resign si Erap at hindi ligal na Presidente si GMA.

Pero dahil popular noon si GMA, walang nakinig kay Alan. Ang sabi nga niya “HISTORY WILL JUDGE US.”

At ano nga nangyari pagkatapos. Anong klaseng pangulo si GMA. Kung nakinig lang sana tayo sa maliit na boses ni Alan, iba sana ang kasaysayan.

Ngayon, Alan Paguia is back! Naghain siya ng petisyon sa Korte Suprema “Questioning the constitutionality of the impeachment process”

Maraming nagmamagaling-galingan ang kaagad pinagtawanan si Alan. Pero nabasa na ba nila ang petisyon?

Kaya lang wala na naman sa uso si Atty. Alan kaya’t malamang sa basurahan pupulutin ang inihain na petisyon ni Alan. Katulad ng iba niyang laban, kasaysayan lang ang naging kakampi niya. Noong panahon na HINDI USONG banatan ang korapsyon ng mga HUKOM, ginagawa na niya.

Ngayon USO na, nagpatalsik pa tayo ng Punong Mahistrado. Noong panahon na HINDI USO ang kampihan kay Erap at sa sikat na si GMA, isa lang si Alan na nagsasabing si Erap pa rin ang ligal na presidente. Ngayon USO na banatan si GMA, karamihan sa pulitikong dikit kay GMA noon ang siyang bumabanat sa kanya.

Ngayon ay uso na katigan ang desisiyon ng impeachment court. Muli kayang maging kakampi ni Atty. Alan Paguia ang hatol ng kasaysayan?

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply