“Tulong sa Nakagulong Part 2” sa Linggo gagawin sa Marikina

INAANYAYAHAN ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang lahat na makiisa sa gaganaping “Tulong sa Nakagulong Part 2,” biking fun ride ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa pamamagitan ng Office of the Vice Mayor, Marikina Bikeways Office, kasama ang Marikina Cycling Club sa ika-22 ng Hulyo sa Marikina Cycling Station, Marikina River Park.

Ang nasabing proyekto ay isang 26 km fun ride na naglalayong makalikom ng pondo na maaaring magamit sa pagbili ng wheelchairs na ibibigay sa piling mga residente na may kapansanan o person with disability (PWDs) sa lungsod.

Sa ngayon, humigit kumulang walong PWDs ang maaaring mabiyayaan ng wheelchair ng nasabing proyekto.  Inaasahang madadagdagan pa ang bilang ng mga mabibigyan depende sa bilang ng mga dadalo sa nasabing fun ride sa Linggo.

“Ang pagbibisekleta ay hindi lamang maganda sa ating katawan at sa ating kapaligiran. Ngayon, sa bawat pagpadyak na ating gagawin maaari na rin tayong makatulong sa mga kapatid o kababayan nating may kapansanan. Nakapasyal na tayo, nakakatulong pa,”wika ni Mayor Del De Guzman.

Layunin din ng nasabing fun ride na mahikayat ang marami pang Marikenyo na gumamit ng bisikleta sa halip na mga sasakyang ginagamitan ng gasolina upang makatulong na rin sa kapaligiran at sa kalusugan ng tao.

Sa mga nais magpatala, magkakaroon ng on-site registration para sa nasabing fun ride. May registration fee na PhP150.00 kasama na ang T-shirt para sa nasabing aktibidad.

Para sa iba pang impormasyon hinggil sa “Tulong sa NakaGulong Part 2” fun ride, makipag-ugnayan sa tanggapan ng Marikina Bikeways Office sa numero bilang 682-9575.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply