1M overseas absentee voters target ng Comelec

TARGET ngayon ng Commission on Elections (Comelec) na makapagrehistro ang may isang milyong overseas absentee voters para sa 2013 midterm polls.

Ayon kay Comelec Commissioner Lucenito Tagle, chairman ng Committee on OAV, doble kayod ngayon ang Comelec upang makahiyat ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na magpaparehistro para sa Overseas Absentee Voting (OAV).

Aniya, mula noong Mayo naglagay na sila ng karagdagang personnel at registration machines sa mga paliparan at iba pang points of exit sa bansa upang hikayatin ang mga paalis na OFWs na magparehistro na bago umalis ng bansa.

Nabatid na sa kasalukuyan ay mayroon na aniyang 45,000 bagong registrants sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pa lamang.

Sinabi pa ni Tagle na nananatili pa rin ang mga registration centers sa iba’t ibang consular offices sa abroad, bukod pa sa mga karagdagang field offices na kanilang inilalagay upang mahikayat ang mga OFW na magparehistro bilang absentee voters.

Anang Comelec official, sa katapusan ng buwang ito ay may mga Comelec personnel naman na mamamahagi ng mga flyer para sa mga paalis na OFW.

Maging ang Bureau of Immigration (BI) ay katuwang na rin ng poll body sa information dissemination para sa mga OFW at mga balikbayan.

Una ng lumagda ang BI at Comelec para dito, kung saan ang mga BI personnel naman sa mga paliparan ay magbibigay rin ng mga flyer patungkol sa OAV sa mga paalis na OFW at balikbayan o mga Pinoy pero naninirahan na sa ibayong dagat.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply