2 carjackers, 3 kasabwat timbog sa Taguig

DALAWANG hinihinalang miyembro ng carjacking syndicate kabilang ang tatlong kasabwat nito ang magkakasabay na binitbit ng Intell-AnCar Special Operations at Police Community Precinct 4 pagkaraang magsagawa ng masusing pagmamanman at pagsisiyasat ang mga awtoridad sa Espino Street, Barangay South Signal Village, Taguig City.

Ayon sa isinumiteng ulat ni PSInsp. Joseph Austria kay Taguig Chief of Police PSSupt. Tomas Colet Apolinario Jr., kinilala ang mga suspek na sina Carlo H. Ignacio alyas “Kunejo” 26, mekaniko, nakatira sa 108 Purok 14, Libis St., Brgy. Central Signal Village at Alfred Alaras, 18, nakatira sa 48 Napocor St., Brgy. South Signal Village .

Ang tatlo namang kasabwat na sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Fencing law ay sina Zabri A. Aran, 36, electrical contractor, nakatira sa Blk. 19 Lot 12, Zamboanga St., Brgy. Maharlika, Domingo A. Mendoza, 18, nakatira sa 110-A Masbate St., Brgy. South Signal Village, at Jonathan Rei M. Sarmiento, 21, nakatira sa 101 Libis St., Brgy. Central Signal Village ng nasabing lungsod.

Sinabi ni PSInsp. Austria na bago nahuli ang mga pinaghihinalang motorcycle thieves ay nakatanggap ang kanilang tanggapan ng information mula sa kanilang network dahilan upang magsagawa ng tactical surveillance at ng makakalap ng sapat na ebidensiya ay agad na bumuo ang mga ito ng apprehending actions.

Nasamsam sa mga suspek ang mga pinaghiwa-hiwalay na mekanismo ng motorsiklo, at isang laptop na naglalaman ng sistema kung paano pinapalsipika ang dokumento ng LTO.

Napag-alaman din ng mga awtoridad na ang mga nakaw na two-wheeled vehicles ay ibinebenta ng mga carjackers sa mga contact nito sa halagang P8,000 bawat isa . Ikinakarga ito sa isang container van upang itawid naman ng dagat at doon isubasta sa rehiyon ng Mindanao, partikular sa Zamboanga.

Puspusan ngayon ang ginagawang hakbang ng Intell-AnCar upang damputin ang iba pang galamay ng mga ikinulong na kawatan na binansagang “Talbos Gang.”

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply