3 bumili ng nakaw ng sasakyan, timbog sa Taguig

TATLONG pinaghihinalaang hot car buyers o bumibili ng mga nakaw na sasakyan ang magkahiwalay na natimbog ng Taguig Intell-AnCar Special Operations Group at Barangay Security Force (BSF) sa Barangay Calzada Tipas at Barangay Lower Bicutan, lungsod ng Taguig, ayon sa ulat ng pulisya.

Ayon kay PS Insp. Casan C. Ali, bagong talagang hepe, dumulog kina BSF members Jonathan Lovina at Roderick Santos ang biktima na nakilalang si Lee Anthony Herrera, 29, nakatira sa 64-C F. Manalo Street, Brgy. Calzada Tipas at may-ari ng ninakaw na sasakyang black-grey Suzuki Raiders 150 na may plakang UH 8397 habang nakahimpil ito sa loob ng bakuran ng kanilang pamamahay dakong 4:00 ng madaling araw.

Sa sumbong ng biktima, nakita nito ang kanyang sasakyan na pinatatakbo sakay ang dalawang suspek na nakilalang sina John Mark F. Villanueva, 27, nakatira sa 72 Cuevas St., Brgy. Kalawaan, Pasig City at Iran Dan R. Iya, 22, nakatira sa 2 Kamias St., Brgy. Kalawaan, ng nabanggit na lungsod.

Dahil sa nalaman agad na gumawa ng hakbang sina Lovina at Santos upang hulihin at isuko sa mga awtoridad ang dalawang suspek, sa pamamagitan ng tactical interrogation ay nalaman nina arresting officers PO3 Rolando Francisco at PO2 Philip Gregorio na binili ang nakaw na behikulo sa halagang P30,000 sa isang mekaniko na alyas “Toto.”

Agad na naglunsad ng follow-up operations ang mga awtoridad laban sa ikatlong suspek na binitbit at nakilala rin sa tunay nitong pangalan na Jose Domingo Dagmil, 39, nakatira sa 339 Purok 4, ML Quezon Ave., Brgy. Lower Bicutan, Taguig.

Nahaharap sa kasong anti-fencing law ang mga ikinulong na salarin.

Samantala, nagpalabas din ng public advisory ang himpilan ng Taguig Intell-AnCar sa publiko na huwag bibili ng motorsiklo o anomang uri ng sasakyan na walang kaukulang dokumento.

Nanawagan din ang mga ito na makipag-ugnnayan o tumawag sa kanilang himpilan kung  may mga kaduda-dudang tao na magbebenta ng anomang uri ng behikulo.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply