4 buwang mahal ang bigas

INIUULAT na magiging mataas ang presyo ng bigas sa loob ng apat na buwan simula sa mga araw na ito na panimula ng tag-ulan.

Hindi nakapagtataka ito, Suki, dahil taon-taon naman talagang nagaganap ito.

Pero mabigat ang balitang ito sa nakararami na puro hirap at gutom na lamang ang dinaranas. Ito’y sa kabila ng pagmamalaki ng mga onorabol na lumago na ang ekonomiya ng Pinas dahil sa matuwid na daan.

Dahil sa katotohanan ng pagmamahal ng bigas, tiyak namang darami ang mga nakikitang wan port o wan hap kilo lang ang kayang bilhing bigas.

oOo

Mayroon lang tayong napapansin ngayon ukol sa mga tindahan ng bigas.

Aba, kakaunti ang mga nagtitinda ng bigas-National Food Authority kahit na bigas-NFA ang nirarambol-rambol ng mga rice dealer para magmukhang komersyal.

Ang dahilan ba nito ay kakaunti lang ang NFA rice ngayon? Paano aalalayan ng NFA o ng gobyerno mismo ang mga nahihirapang bumili ng bigas na napakamamahal?

Ano ang aksyon ng mga “lumago at matutuwid” na onorabol dito?

oOo

Hindi biro-biro ang mga sinasabi nating nahihirapang bumili ng sapat na bigas para sa kanilang mga pamilya, Suki.

Pumunta kayo sa mga traysikel at dyipni drayber at makikita ninyo ang katotohanan ng sinasabi natin.

Puntahan din ninyo ang vendors na laging hinuhuli ng kotong boys at padyak boys na hinuhuli ng mga trapik enporser.

At kung ang inaakala ninyo, eh, ang mga ito lang ang hirap, nagkakamali kayo.

Milyon ang bilang ng mga biktima ng kontraktuwal na may trabaho sa loob ng limang buwan lamang pero sa pitong buwan o isang taon ay istambay.

Kasali sila, Suki, sa mga nahihirapang bumili ng mahal na bigas.

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply