8 akusado sa Maguindanao massacre, hiniling na makapagparehistro

HINILING ng walong akusado sa Maguindano massacre sa Quezon City court na payagan silang makapagrehistro bilang botante sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) sa 2013 elections.

Sa 3-pahinang mosyon, hiniling ng mga akusadong sina Anwar Ampatuan, Sr., Anwar “Ipi” Ampatuan, Jr., Sajid Ampatuan, Akmad “Tato” Ampatuan, Sr., Nicomedes Tolentino, Nasser Esmael, Datutucon Melaguial Esmail, at Bulatukan Omar Kayansang kay Judge Jocelyn Solis-Reyes ng QC Regional Trial Court Branch 221 na utusan ang Commission on Elections (Comelec) para payagan silang makapagrehistro bilang botante ng ARMM sa pagitan ng Hulyo 9 at Hulyo 19, 2012.

Ayon sa abugado ng mga akusado na si Atty.Paris Real, dahil hindi pa naman napatunayang nagkasala ang kanyang mga kliyente, maari silang magparehistro at bumoto sa nalalapit ng 2013 elections.

Payag naman, aniya, ang kanyang mga kliyente na magrehistro sa kanilang detention cells sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City o kahit saan lugar na nais ng komisyon.

“The above-mentioned persons cannot go to Mindanao to register as
voters as they have been erroneously accused and are being baselessly incarcerated in connection with the Maguindanao Massacre cases,” pagtatanggol pa ni Real.

Nitong nakaraang Hunyo 27, nagpadala si Real ng isang sulat kay Comelec chairman Sixto Brilliantes, na humihiling na payagan ang kanyang mga kliyenteng makapag-rehistro para makaboto sa May 2013 national at local elections.

Gayunman, sinabihan ni Atty. Judy Lorenzo, chief ng Comelec precinct division si Real nitong Hulyo 7 na humingi ng isang court order para payagan ang kanyang mga kliyente na makapag-rehistro sa mga nabanggit na petsa.

Ang walong akusado ay kabilang sa 196 katao na kinasuhan sa  Maguindanao massacre na nagresulta sa pagkamatay ng 57 katao sa Ampatuan town, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply