A chef’s sweet success (2)

KUSINA ang naging daan upang matikman ni Chef Sau Del Rosario ang matamis na bunga ng tagumpay.

Tunay nga na sa likod ng bawat pagkain na inihahanda sa ating hapag ay mayroong isang makulay na kwentong nakatago. Mga kwentong higit na nagpapasarap at nagiging dahilan upang maging higit na espesyal ang bawat putaheng nakahain.

Bagaman noong umpisa ay tila wala sa plano ni Sau ang mapalinya at mapabilang sa mundo ng kusina, nanaig ang dugo ng pagiging kusinero sa kanya. Mula sa pagiging isang front desk officer sa isang hotel ay napunta siya sa kusina bilang isang kusinero hanggang sa magdesisyon siyang pumunta ng Paris, France upang higit na linangin ang kanyang

kaalaman sa pagluluto.

Nang bumalik siya sa Pilipinas ay naatasan siya upang gampanan ang papel ng isang chef of the kitchen sa restaurant na kung tawagin ay Venetia. Naging trabaho niya sa nasabing restaurant ang pagbuo at paggawa ng mga konsepto at mga bagong putahe na ihahain sa mga customer nito.

Matapos ang isang taong pagtatrabaho sa Venetia, isang oportunidad upang maipakita ang kanyang husay sa paghahanda at pagluluto ng mga French cuisine ang dumating kay Sau nang magbukas ang ilang residente ng Hong Kong ng isang bistro type of restaurant sa Malate.

Sa dami ng aplikante na nag-audition upang maging chef nito, mapalad si Sau at siya ang napili. Makalipas ang isang taon nagtungo siya muli sa Paris. Nagtrabaho siya roon ng isang

taon.

“Then sabi ko, I’ve had enough and I need to go back to Asia. Tapos pumunta ako sa Shanghai, where I met different people. Nag-decide kami to open up a Mediterranean restaurant in Shanghai,” kwento niya.

Naging successful ang binuksang restaurant at halos dalawang taon ding nanatili at nagtrabaho roon si Sau bago niya naisipang magtungo sa Singapore at magbukas doon ng isang restaurant, kasama ang ilang taong nakilala niya at naging kabigan.

Naging isang tagumpay ang restaurant na tinawag nilang-Equinox, sapagkat matapos nitong magbukas ay tatlo pang restaurant ang nabuksan sa pangunguna pa rin ni Sau.

Matapos gumawa ng panga-lan sa Shanghai, naisipan niya na magtungo sa Bangkok, Thailand, kung saan niya napiling magtayo ng sarili niyang restaurant – isang restaurant na magsisilbing collage ng lahat ng kanyang pinagdaanan at natutuhan sa buhay, kung saan ang lahat ng putahe at menu na kanyang ginawa at niluto sa loob ng ilang taong pagtatrabaho ay ihahain.

Nabigyang buhay ang pangarap at planong iyon ni Sau nang mabuksan ang SAU restaurant na itinulad pa ang pangalan sa kanya.

“SAU restaurant is a casual dining restaurant, it’s a collage of all the mementos that I have in the past few years.” Dagdag na kwento pa niya.

Masasabing mahaba-haba rin ang daang tinahak ni Sau bago niya narating ang kanyang kasalukuyang estado, ngunit sa kabila ng tagumpay na kanyang tinatamasa nananatili ang pagmamahal niya para sa ating bansa, sapagkat bagaman paghahanda ng French cuisine ang kanyang specialty hindi niya nalilimutang patikimin ng mga lutong Pinoy ang kanyang mga customer.

“Pag gumagawa ako ng dishes lumalabas pa rin yung pagka-Pinoy, hindi ko tinatanggal ang mga Filipino dishes sa mga menu ko.” Aniya.

Sa pag-abot natin ng ating mga pangarap maaring mapalayo tayo sa bansang pinagmulan natin subali’t ano’t ano man ang mangyari, wag nating hayaan na tayo ay makalimot sa ating bansang pinagmulan, gaya na lamang ni Chef Sau Del Rosario na bagaman nasumpungan ang tagumpay sa isang bansang banyaga ay nananatiling kinikilala ang pagka-Pilipino.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan over-seas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi.

Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply