Aktor pinarusahan ng TV network, hiniwalayan pa ng GF

DOBLE-DOBLE ang kamalasan ng aktor na ito matapos niyang matikman ang bunga nang kanyang kaangasan dahil sa pakikipag-away sa kapwa aktor. Kung gaano siya kaingay noon ay siya namang tahimik niya ngayon. Paano’y may dalawang pangyayari sa buhay nito ang hindi niya makalilimutan. Una’y ‘di na siya pansin ngayon ng TV network na pinaglilingkuran niya. Ito ay bunga nang pagpatol niya sa kapwa talent ng istasyon na paborito at inaalagaan ng kompanya.

Akala niya ay naipakita niya ang kanyang pagkalalaki dahil sa mismong harapan ng kanyang siyota ay talagang nagpakitang gilas siya at nakipagbangasan ng mukha sa kaaway nito. Ang ending, pati ang girlfriend nitong batang aktres ay hiniwalayan na rin siya. So, nawalan na siya nang career, nawalan pa nang minamahal!

Ang problema sa kawawang cowboy na ‘to, este, ng aktor na itetch ay may ugali raw ito na ayaw magpatalo sa kanyang kagustuhan. Nakikipatalakan din daw ito sa GF niya, kaya sa asar ni babae ay bigla siyang tsinugi.

Eh, nag-iinarte siya sa kasintahan niyang isa ring special na talent ng kanilang network. Asan ngayon ang damuhong ito, sa kangkungan!

***

Mga sinehan mahahati ngayon…
Movie ni Ate Vie may dalawang versions

KASABAY ng selebrasyon ng ika-50 anibersaryo sa showbiz ng Star for All Seasons, lilikha ng kasaysayan sa Philippine cinema ang first-ever suspense-horror film ni Vilma Santos na “The Healing” bilang ang kauna-unahang pelikulang Pilipino na ipalalabas na may dalawang bersyon– isang R-13 na maaaring mapanood ng mga batang 13 years old pataas; at R-18 o ang ‘director’s cut’ na puno ng mga eksenang tiyak na ikasisindak ng adult moviegoers na 18 years old pataas.

Ang nasabing dalawang bersyon ay tugon ng Star Cinema sa matinding pagnanais ng fans na mapanood nang buo at walang putol ang pelikulang nakatakda nang ipalabas sa buong bansa ngayong Miyerkules (July 25).

Gayundin, bilang pagpapahalaga sa mga kabataang Pinoy, maglalabas ang Star Cinema ng isang R-13 version ng “The Healing” na bagama’t siguradong ikatatayo ng balahibo ng lahat ay akma pa rin sa edad at pang-unawa ng mga menor de edad na manonood.

Ano nga kaya ang meron sa pelikula ni Ate Vi kung kaya’t kinailangan pa ng dalawang bersyon nito? Ano ang pagkakaiba ng R-13 at R-18 versions?

Sa ilalim ng direksyon ng Master Director na si  Chito S. Roño, ang “The Healing” ni Ate Vi ay binubuo ng isang highly acclaimed powerhouse cast na kinabibilangan nina Kim Chiu, Janice de Belen, Mark Gil, Martin del Rosario, Jhong Hilario, Allan Paule, Cris Villanueva, Daria Ramirez, Ces Quesada, Ynez Veneracion, Simon Ibarra, Abi Bautista, Joel Torre, Chinggoy Alonso, Mon Confiado, Carmi Martin at Pokwang.

***

Maja at Matteo break na

MAY nagsitsit sa amin na break na raw sina Maja Salvador at Matteo Guidicelli.

Ang dahilan nang kanilang paghihiwalay ay ang madalas na pagtatalo.

Si Maja raw ang nakipagkalas kay Matteo. Ito raw kasing huli ay may pagkataratitat din. Gusto raw ay siya ang laging nasusunod. Eh, alam naman nating mataray din itong young actress kaya hayan at nauwi sa hiwalayan ang matagal-tagal din nilang relasyon.

***

Kiray Celis walang oras sa lovelife

MAY umaaligid-aligid na mga ‘bubuyog’ kay Kiray Celis pero di niya type ang magpadapo at magpakagat sa mga ito dahil wala pa sa isip nito ang kanyang lovelife. Ang kanyang isip ay naka-concentrate sa pag-aaral at sa trabaho. Mula pagkabata at sa edad niya ngayong 17, (Na ayon sa friend naming si Toto, na kaibigan din ng fadir ng dalaga, magde-debut na pala ito this coming Sunday sa isang kilalang resto sa Panay Avenue na madalas puntahan ng mga artista) ay bread-winner na ng pamilya at pinag-aaral pa ang sarili.

Kahit papaano’y nakabili na ng sasakyan si Kiray na siyang ginagamit niya sa mga raket niya at sa taping niya sa “Luv U” at sa shooting ng isang pelikula na pinagbibidahan ni Zsa Zsa Padilla under Star Cinema.

Makapagpagawa lang daw ng bahay ang mabait na dalaga para sa kanyang pamilya ay kuntento na siya sa kanyang buhay. Ito ang pangarap na matagal-tagal na niyang pinagtatrabahuhan. Well, ‘di malayong matupad ito dahil masipag at mapagmahal pamilya itong alaga ni Kuya Boy Abunda.

***

Para sa inyong opinyon at reaksyon, tumawag lamang o mag-text sa #09074582883 at #09351851227 o kaya’y mag-email sa kuya_abepaul@yahoo.com at maari rin kaming mapakinggan sa Star na Star sa DWIZ 882 khz, 2-3 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply