Alalay sa magsasaka at maghanda sa kalamidad

DALAWANG beses nang dinaanan ng bagyo na medyo mapanira sa mga magsasaka ang hilagang Luzon.

Sa unang bagyo, marami ang mga magsasakang nasiraan ng mga pananim na palay.

Dito sa huling bagyo, mag-aantay pa tayo ng mga ulat kung ano ang kasiraang dala ng bagyong Ferdie.

Malamang na madaragdagan ang bilang ng mga ito.

SAID SA PONDO

Karaniwan namang said sa salapi, mga Bro, ang mga magsasaka sa unang planting season.

‘Yun bang === ngayong tag-ulan.

Ang isang dahilan, eh, karaniwang kasabay ng malaking gastos sa pagsasaka ang gastos na katulad ng pag-aaral ng mga bata sa mga pamilyang magsasaka.

Suwerte na kung walang magkakasakit sa loob ng pamilya na kung iisipin ay napakalaking gastos din, lalo na kung aabot sa ospital ang kanilang mga maysakit.

NANGUNGUTANG NA USURERO

Dahil sa hirap ng kanilang kalagayan, tanging sa mga usurero sila nakalalapit.

Madali lang kasi ang umutang sa mga ito.

Kung hindi titulo ng lupa, kalabaw o kuliglig ang prenda, mismo ang kanilang aanihin sa huling araw.

Ngunit sa murang halaga lamang.

Karaniwang hindi sila tumatakbo sa mga nagpapautang na mga ahensiya ng pamahalaan dahil ang pakiramdam nila, eh, ayaw naman talagang magpautang ang mga ito.

Laway lang umano ang sinasabi ng mga taga-Land Bank na sila’y nagpapautang.

PARA LANG SA MALALAKI

Kung magpautang man ang mga bangko ng pamahalaan, para sa mga malalaking tao o kompanya lang na sangkot sa mga malalaking negosyong pansakahan.

At kinukumpirma ito mismo ng ating mga nakakausap na mga magsasaka at negosyante sa mga commercial crop.

Umaamin din ang mga taga-bangko mismo.

Katwiran nila, mahirap pautangin ang mga maliliit na magsasaka, lalo na ang mga walang kolateral kung kalabaw at ang maliliit lang nilang lupain.

Ang mga pribadong bangko ay nagpapautang pero interes naman nila na mailit ang mga lupain ng mga magsasaka.

NASAAN ANG AYUDA NG GOV’T?

Dito pumapasok ang katanungan ukol sa pagpapautang ng pamahalaan sa mga magsasaka.

Noong panahon ni Apo Ferdie, inoorganisa ang mga magsasaka sa asosasyon upang sila’y makautang sa mga bangko ng pamahalaan.

Mayroon ding ganito, gaya ng pagiging kooperatiba ng mga magsasaka.

Ngunit sa karanasan ng mga magsasaka, hindi gaanong pursigido rito ang pamahalaan ngayon.

Kung mayroon mang isinusulong na public-private partnership, ang mga malalaking tao at kompanya lang ang target nito at karaniwang naiiwanan sa malalaking usapin sa pera ang mga kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka.

MAGPAPALAY SERYOSOHIN

Dapat na seryosohin ng pamahalaan ang mga magpapalay.

Sapagkat sila ang naglilinang ng mga lupain na taniman at anihan ng pangunahing pagkain ng buong bayan.

Totoo na higit na mas malaking pagkakitaan ang malawakang pagtatanim ng niyog, pinya, tubo, bulak at iba pang commercial crops ngunit dapat na isiping ang bigas pa rin ang pangunahing pagkain ng buong bayan.

Kaya dapat na seryosohin ng pamahalaan ang pag-asikaso sa mga magpapalay.

Sa mga panahon ng kagipitan katulad sa mga araw na ito, dapat na iparamdam nito ang pagkalinga sa mga magpapalay.

Dapat nitong buksan ang mga bangko ng pamahalaan na magpautang sa magagaan na kondisyon.

Lalo’t paulit-ulit na nasisiraan ang mga ito ng pananim dahil sa mga bagyong dumarating.

PANAHON NA ULI NG KALAMIDAD

Talaga namang tag-landslide at tagbaha na.

At naiisip natin ang mga malalaking disgrasya na dumarating dahil sa mga landslide at baha.

Sa naganap na trahedya sa landslide sa St. Bernard, Southern, Leyte noon, nakalulungkot isiping sa loob ng kung ilang araw, iisang makinarya lang ang ginagamit para sa search and rescue sa mga natabunan ng mga putik, adobe at baha.

Sa matagal na pagbaha sa Central Luzon nitong nakaraang taon, iilan lang ang mga bangka o rubber boat na ginagamit ng mga search rescue teams ng pamahalaan.

Wala man lamang ding magamit na mga sasakyang panghimpapawid para sa mga matitinding emergency o pagliligtas ng buhay.

Nakaaawa ang mga biktima ng kalamidad dahil sa kahinaan ng pamahalaan sa mga usaping ito.

NASAAN NA ANG KAHANDAAN?

Mauulit-ulit pa ba ang malungkot na kawalan ng lakas ng pamahalaan para sa pagliligtas ng buhay at ari-arian gaya ng naganap sa St. Bernard, sa Central Luzon at sa iba pang lugar gaya ng matinding baha sa Cagayan de Oro at Iligan City, Quezon Tragedy at iba pa?

Nasaan ang mga makinarya, tao at pondo ng pamahalaan laban sa kalamidad?

Higit ba itong maninisi sa nakaraan o mamalimos ulit kaya sa mga dayuhan para lang may maiaabot sa mga biktima?

Muli bang iiral ang mga turuan sa pagitan ng nasyonal at mga lokal na pamahalaan kung sino ang mga dapat na pangunahing sumagot o tumugon sa mga kalamidad, kamatayan, paghihirap, pagkakasakit at iba pa ng mamamayan?

Sana naman hindi na mauulit pa ang mga ito.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  09214303333

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply