Ambush sa Basilan, kinondena ng Obispo

IKINALUNGKOT at labis na tinuligsa ng isang Obispo ng Simbahang Katoliko ang ginawang pag-ambush ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa mga manggagawa ng goma sa Barangay Sapah Bulak, sa Sumisip, Basilan na ikinasawi ng limang sibilyan at isang CAFGU kamakailan.

Sinabi ni Basilan Bishop Martin Jumoad na hindi makatarungan ang ginawa ng mga bandido dahil ang buhay ng tao ay sagrado at hindi maaring basta kitilin na lamang.

Labis ding ikinalulungkot ni Jumoad  ang naturang pangyayari dahil ang mga biktima ay mahihirap lamang at ordinaryong manggagawa ng Tumajubong Agrarian Reform Beneficiaries Integrated Development Cooperative, na isang kooperatiba ng mga magsasaka sa Basilan.

Kaugnay nito, umapela si Jumoad sa mga Abu Sayyaf na huwag galawin o saktan ang mga ordinaryong mamamayan kung may nais man silang iparating sa gobyerno.

Hinimok din ng Obispo ang pamahalaan, Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na bigyan ng ibayong proteksyon ang mga mamamayan laban sa mga masasamang loob.

“First of all, it’s really sad. Ako po ay nalulungkot sa pangyayaring yan dahil pulubi lang po, mahihirap lang po ang mga biktima. Manggagawa lang po sila ng isang kooperatiba dito sa amin,” ayon kay Jumoad, sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

“Sana naman sa mga Abu Sayyaf ay huwag naman sana nilang saktan ang mga sibilyan.Kung may nais man silang iparating sa gobyerno sana po sa maayos at sa mahinahong paraan na walang nasasawi. Nananawagan din po tayo sa gobyerno na tulungan po sana ang mga naulila nitong mga biktima dahil mahihirap lang po sila,” ani Jumoad.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply