Opisyal na imahe ni Blessed Calungsod pinagpipilian na

KASUNOD nang kanyang nalalapit na kanonisasyon para maging ikalawang santong Pilipino, abala na ngayon ang Archdiocese of Cebu sa paghahanap ng magiging opisyal na estatwa ni Blessed Pedro Calungsod.

Ang kanonisasyon ni Calungsod ay nakatakda sa Oktubre 21.

Mismong si Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal ang siyang naatasang pumili ng iskultura na magiging opisyal na imahe na dadalhin nila sa Roma para sa canonization rites ni Calungsod.

Ayon kay Vidal, Pinoy at bata ang dapat na maging hitsura ng imahe ni Calungsod at dapat na nakasuot ng puting damit ngunit walang sapin sa paa.

Nais rin ng simbahan na mayroong dahon ng palma sa ulo si Calungsod na siyang simbolo ng kanyang pagiging martir.

Dagdag pa ni Vidal, kinakailangang may dala itong Doctrina Cristiana o libro hinggil sa Christian doctrine dahil si Calungsod ay isang katekista.

Iginiit pa ni Vidal na dapat na iba ang hitsura ni Calungsod kay San Lorenzo Ruiz na may asawa na nang ito ay mapaslang, upang madali itong matukoy.

Ang imahe ni Ruiz ay isang hindi katandaang lalaki na may hawak na rosaryo at nakasuot lamang ng isang puting Barong Tagalog at itim na pantalon.

May 340 taon na ang nakalipas nang mapatay si Calungsod kaya’t walang nakakaalam sa tunay na hitsura nito.

Nabatid na 17-taong gulang lamang umano si Calungsod nang mapatay ng mga Chamorros sa Tomhom village sa Guam, Marianas noong Abril 2, 1672 kasama si Blessed Diego Luis de Sanvitores.

Sa ngayon, may apat na imahe ni Calungsod na ikinukonsidera ng simbahan at tatlo sa mga ito ay nasa Cebu habang ang isa ay nasa Maynila.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply