Ate Vi, sampalataya sa mga faith healer!

DREAM-ONE true pala para kay Vilma Santos ang pelikula n’yang “The Healing” na nakatakdang ipalabas simula sa July 25.

Hindi po ito isang religious film dahil hindi naman po yata kabilang sa mga pangarap ni Ate Vi na makagawa ng isang maka-Diyos na pelikula.

Horror-suspense po ang The Healing at tungkol po ito sa mga faith healer, tunay man o peke, na ang panggagamot ay nauwi sa matinding horror hindi lang sa mga nagpagamot sa kanila kundi pati na sa mga mahal nila sa buhay at mga taong kasalamuha nila.

At hindi rin po proyekto ng kung ano mang religious organization ang The Healing kundi pakulo ng Star Cinema para ipagdiwang ang ika-50 taon ng Star For All Seasons sa showbiz. At ang henyong si Chito Roño “lang” po ang nagdirek ng pelikula mula sa panulat ng henyo ring si Roy Iglesias (na ang misis na si Zeny Pascua Iglesias ay napakaaktibo sa Facebook).

Nakatutuwa ang casting ng pelikula. Kasali rito yung mga parang ang tagal nang ‘di-aktibo sa paglabas sa pelikula o sa pagtatrabaho sa mainstream showbiz. Kelan n’yo ba huling napanood sa malaking telon sina Daria Ramirez, Mark Gil, Janice de Belen, Allan Paule, Cris Villanueva, Ynez Veneracion, Mon Confiado at Ces Quesada?

Horror movie ang The Healing pero nasa cast din nito si Pokwang. Dahil kaya pang-horror ang mukha n’ya? Bakit kaya hindi rin isinali sa cast si Melai na pang-horror din naman ang itsura?

Nasa cast din si Kim Chiu at ito yata ang kauna-unahang horror movie n’ya. Kahit na ‘di kumita ang mga pelikula nila ni Gerald Anderson, ‘di naman daw maituturing na horror ang mga yon. Anak yata ni Ate Vi ang papel ni Kim.

Nasa cast din ng The Healing sina Martin del Rosario at Carmi Martin. Mag-ina ang papel nila. Kasali rin sa cast sina Joel Torre at Chinggoy Alonzo.

Oo nga pala, hindi si Ate Vi ang faith healer sa pelikula. Sa istorya, isa siyang matulunging tao at ang isang uri ng pagtulong n’ya ay samahan ang mga may sakit sa isang babaeng supposedly ay napakahusay na faith healer. Ang pagbabait-baitan n’yang yon ang magpapahamak sa kanilang lahat.

Si Direk Chito nga pala ang may konsepto ng pelikula. Maraming ulit na raw siyang nakasaksi ng “panggagamot” ng mga faith healer at ang pasyenteng nasaksihan n’yang “ginagamot” ay mismong ang ama n’yang naging governor ng isa sa mga lalawigan ng Samar island sa Visayas archipelago. Jose ang pangalan ng ama ni direk at naging miyembro rin ito ng cabinet ni President Ferdinand Marcos na ang administrasyon ay nagmistulang isang diktadura dahil tumagal ito ng 20 taon sa pamamagitan ng mga dinayang eleksyon.

Inamin ni Direk Chito na sa dinami-rami ng faith healers na pinagdalhan sa kanyang ama, hindi rin naman ito gumaling. Pero happily, hindi naman daw naging horror ang buhay ng pamilya at ng kanilang angkan.

Sa kabilang banda, umamin naman si Ate Vi na siya mismo ay napagaling ng isang faith healer. Nangyari raw yon ilang linggo pa lang nung unang termino n’ya bilang meyor ng Lipa City. Nagkaroon daw siya ng misteryosong panghihina ng katawan na ‘di maipaliwanag ng siyensya ng medisina at ‘di rin mapagaling ng mga mamahaling doktor kaya pumayag siyang magpagamot sa isang faith healer na kapirasong papel lang at mga bulong na orasyon ang ipinanggamot sa kanya.

At hindi naman naging horror movie ang buhay n’ya, ‘di ba? Naging governor pa nga siya ng Batangas.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply