Bagong laya todas sa mga parak

PINATAHIMIK ng mga tauhan ng Manila Police District ang isang kalalaya pa lang na lalaki, matapos maiulat na nagpapaputok ng baril at tangkain pa nitong manlaban sa mga nagrespondeng pulis sa harapan ng eskuwelahan sa Baseco Compound, Port Area, Manila kahapon.

Nakilala ang nasawing si Alinor Amatunding, 23, may-asawa, tubong Agusan del Sur, kaanib ng Commando Gang, tambay, ng 018 IF B8 Baseco Compound, Port Area.

Samantala, isinailalim na sa interogasyon ng MPD-Crime Against Persons Investigation Section, sina P/Insp. Danilo Anselmo, hepe ng Bagong Lupa Police Community Precinct na sakop ng MPD-Ermita Police Station 5 at ang dalawa nitong tauhan na sina PO3 Carlos Limbo at PO3 Pierre Bautista.

Batay sa ulat na isinumite ni Det. Alonzo Layugan kay P/Sr. Insp. Joselito de Ocampo, hepe ng MPD-CAPIS, dakong alas-5:30 ng hapon naganap ang nasabing insidente matapos ang habulan sa 2nd Street sa harap ng Baseco Elementary School sa naturang lugar.

Nabatid na bago naganap ang insidente, isang tawag ang natanggap ni Insp. Anselmo sa ilang barangay tanod na umano’y walang habas ang pagpapaputok ng baril ni Amatunding sa harapan mismo ng Corazon Aquino High School.

Dahil dito, agad na nagresponde si Insp. Anselmo at ang dalawa nitong tauhan at nang maispatan nila si Amatunding, tinangka nila itong payapain subalit agad nitong tinutukan ang isang tricycle driver at saka nito minaneho papatakas sa lugar.

Tinangka siyang pigilan ng mga awtoridad at pagsapit sa 2nd Street, dito na siya nakorner pero laking gulat ni PO3 Limbo, nang tutukan siya ng baril kaya maagap naman itong gumanti at pinaputukan ng baril si Amatunding at nang makitang muli itong susugod, inunahan na siya ni PO1 Bautista at agad na tumimbuwang ito sa kalye.

Mabilis itong isinugod sa Gat. Andres Bonifacio Medical Center subalit ilang saglit lang ay binawian na ito ng buhay.

Ayon umano sa ama ni Amatunding, 2 buwan pa lang na nakakalaya ang kanyang anak dahil sa kasong robbery.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply