Bakbakan ng Green Archers, Blue Eagles inaabangan

LILIPAD ng mataas ang defending champion Ateneo Blue Eagles upang hindi tamaan ng mga palaso ng De La Salle University Green Archers.

Inaabangan na ang pagkukrus ng landas ng dalawang mahigpit na magkaribal sa nagaganap na 75th UAAP men’s senior basketball tournament sa Mall of Asia Arena.

Parehong hawak ng Blue Eagles at Green Archers ang 2-1 win-loss card at sa alas-4:00 ng hapon bukas ay uumpisahan ang kanilang duwelo.

Ito na marahil ang hinihintay ng Green Archers na makabawi kahit isang laro sa Blue Eagles dahil hindi nakasagot sa dalawang laro sa elimination ang DLSU sa Ateneo nakaraang season.

Ipoposte ni Ateneo coach Norman Black ang kanyang higanteng player na si 7-foot-0 Greg Slaughter upang makakuha ng puntos kung saan ay magiging katuwang nito si reigning rookie of the year awardee Kiefer Ravena.

Ibabandera naman ng Green Archers ang bagitong si Jeron Teng na siyang naging bayani sa panalo nila kontra University of the Philippine Fighting Maroons.

Inaasahan din ng bagong coach ng Green Archers na si Gee Abanilla na makatutulong sina Norbert Torres at point guard LA Revilla sa opensa.

Samantala, sa unang sultada magkakagatan ang University of Sto. Tomas Growling Tigers at host National U Bulldogs.

May 2-1 panalo-talo baraha ang Bulldogs habang 1-1 ang tangan ng Tigers.

Kahapon ay umalagwa sa tuktok ang Far Eastern University Tamaraws ng suwagin nito ang Adamson U Falcons, 65-62 habang sinagpang naman ng Bulldogs ang Maroons, 67-50 upang ilista ang pangalawang panalo.

Nagsosolo sa top spot ang Tams dala ang 3-0 karta.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply