Bakit mas gusto nilang lumayas kaysa manatili?

KUNG meron mang isang napakalaking katanungan sa ating lipunan ay walang iba kundi: Bakit mas gustong lumayas sa mahal kong Pinas ang higit na nakararaming Pinoy kaysa manatili rito?

Dahil dito, ang hiling natin kay Pangulong Noynoy ay sentruhan ang mga suliraning nakapaloob dito.

MGA TAGUMPAY AYON SA SONA

Marami ang binanggit ni Pangulong Noynoy na tagumpay ng kanyang administrasyon sa kanyang ikatlong State of the Nation Address.

Sa loob lamang umano ng nakalipas na dalawang taon at kalahati, marami na  ang mga nasolusyunan na mga problema.

Sa kahirapan, sa kalusugan, sa kainutilan ng pulisya at militar laban sa krimen at mananakop, sa korapsyon at pandarambong, sa turismo, kuryente, sa empleyo, sa edukasyon, sa ekonomiya at iba pa.

Ang pinakatiyak lang sa lahat ay ang solusyon sa matitinding problema sa upuan sa eskwela gaya ng upuan, libro at silid-aralan.

Tiyak dahil sa paglaki umano ng panukala ng kanyang administrasyon na dagdagan ng kung ilang bilyong piso ang edukasyon.

Isa rin tiyak ang pagkakaroon na umano ng baril ang mga pulis at sundalo para maisakatuparan ng mga ito ang kanilang mga tungkulin para sa kapayapaan, kaayusan at proteksyon sa mamamayan laban sa krimen at iba pang banta sa lipunan gaya ng droga at pananakop ng mga dayuhan.

MATAGAL BAGO MARAMDAMAN

Bagama’t magaganda rin ang nasimulan ng Pangulo sa iba pang mga programa, higit na nakararami sa mga ito ang matagal pa bago talaga maramdaman ang ginhawa mula sa mga ito.

Halimbawa ang paglago ng empleyo sa Business Process Outsourcing. Milyong obrero ang inaasahang magkakaroon ng panibagong trabaho sa pagpasok ng mga kompanya para rito.

Yan ay kung hindi pagbabawiin ng mga kompanyang dayuhan ang ganito nilang negosyo para mapawi ang krisis sa empleyo at negosyo sa sarili nilang mga bansa.

Matagal din bago maramdaman ang magandang bunga maging ang mga pantawid gutom lalo’t may mga palpak din naman sa mga gaya ng sa Pantawid Gutom sa hanay ng mga tsuper.

PINAKAMATAGAL ANG K+12

Marahil, pinakamatagal na aantayan natin ng bunga ang programa sa edukasyon na K+12.

Kasisimula lamang ang programang ito na naglalayong ipantay ang edukasyon ng Pinas sa ibang mga bansa.

Yung bang === gagawing 13 taon ang batayang edukasyon upang ganap na maihanda ang mga kabataang Pinoy sa mga rekisitos sa trabaho ng mga dayuhan, matatagpuan man ang mga ito sa ating bansa o sa iba.

PAGHAHANDA LUBUSIN

Dapat nga lang na ihanda ng gobyerno ang lahat para rito gaya ng one on one na distribusyon ng mga aklat, pagkakaroon ng sapat na upuan at sapat na silid-aralan sa programang edukasyon.

Kung hindi kasi gagawin ang mga ito at walang mapagkukunan ng leksyon ang mga bata, kung nakaupo sa semento o lupa ang mga ito at kung nag-aaral ang mga ito sa ilalim ng mga puno, wala talagang patutunguhan ang mga ito kundi kabobohan.

At kapag bobo ang isang mag-aaral, pagtuntong niya sa edad ng paghahanapbuhay, paano niya mapapantayan ang taga-ibang bansa sa agawan ng trabaho at kita?

15 YEARS AFTER

Binibilang natin ang mga taon na lilipas, mga Bro, makaraan ang K+12, aabot pala ang lahat sa 15 hanggang 16 taon.

Nasa 13 ang batayang edukasyon, yun bang === hanggang Grade 12.

Eh dadagdagan ang mga ito ng dalawa hanggang tatlong taon sa kolehiyo, depende kung anong kurso ang kukunin ng bata.

Dagdag na dalawang taon lang ang kailangan para sa ordinaryong kurso sa kolehiyo at sa mga kursong engineering, kailangan ang tatlong taon.

Siyempre, ibang karagdagan ang para sa pag-aabogado, pagdodoktor at iba pa.

LUPA SA MGA WALANG LUPA

Natuwa naman tayo sa pangako ni PNoy na matatapos ang Comprehensive Agrarian Reform Program sa kanyang panunungkulan.

Pero maganda sigurong ipaalaala na marami sa mga lupain ang binabalot ng mga katiwalian at pagkaganid ng mga panginoong maylupa.

Marami riyan ang inagaw sa mga magsasaka at maganda kung mahaluan ng libreng pamamahagi ang CARP na yan.

MGA NAPUNA

Mayroon lamang tayong napuna, mga Bro.

At ito ang gusto nating ipaabot kay PNoy.

Hindi nabanggit ang nagmamahalang petrolyo, kuryente, tubig, toll, expanded value added tax, mataas na presyo ng mga bilihin, mababang pasahod,
kontraktuwalisasyon at iba pa.

Sa pag-aaral natin sa mga problemang ito, ito ang mga bumubuo ng mga araw-araw na problema ng nakararaming mamamayan.

At dito nag-uugat ang dahilan ng pagnanais ng nakararami na lumayas na lang sa bansa at sa ibang mga bansa sila maghanapbuhay

At doon nila hanapin ang pag-asa nilang mabuhay ngayon at bukas.

TOTOONG KARANASAN

Ang pagiging overseas Filipino worker nga ang pag-asa ng higit na nakararami sa mga obrero sa bansa.

Pero maging ang mga propesyonal ay ganito rin ang nasa isipan.

Sa mga nakapapasa nga sa exams sa pagkadoktor, pagka-inhinyero, nars at iba pa, yang maging OFW ang nasa isipan nila para mabuhay sila sa makataong kalagayan at may kinabukasan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating  sa 09214303333

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply