Bakuna vs diarrhea, inilunsad ng DOH

INILUNSAD ng Department of Health (DOH) ng rotavirus vaccination para sa mga sanggol para maprotektahan ang mga ito laban sa diarrhea na maaaring magresulta sa kanilang pagkasawi kung mapapabayaan.

Mismong si Pangulong Benigno Simeon Aquino III, kasama si Health Secretary Enrique Ona ang nanguna sa naturang proyekto, na bahagi ng national immunization program para sa mga bata.

“This is a breakthrough in Philippine health care as we are the first country in Southeast Asia to introduce and implement this life-saving vaccine in our expanded program of immunization,” ayon kay Ona.

Inaasahang may 700,000 sanggol na nagkaka-edad lamang ng 1½ buwan hanggang 3 ½ buwan na kabilang sa mga pamilyang nakalista sa National Housing Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR), ang mababakunahan ngayong taon ng rotavirus vaccine.

Nabatid na inisyal na target ng programa ay mga batang kabilang sa pinakamahihirap na pamilya sa bansa dahil sila ang may pinakamataas na morbidity at mortality rates mula sa diarrheal diseases.

Kaugnay nito, hinimok naman ng DOH ang mga ina na may sanggol na 1½ buwan hanggang 3 ½ buwan gulang pa lamang na pabakunahan ang kanilang mga anak sa pinakamalapit na health center sa kanilang mga barangay.

Nabatid na ang Rotavirus ay virus na nakaka-infect sa dumi at batay sa istatistika ng World Health Organization, ito rin ang pinaka-pangunahing dahilan ng diarrhea sa mga sanggol at mga bata, na nagreresulta sa pagkamatay ng halos 600,000 bata at pagkaka-ospital ng may dalawang milyong paslit sa buong mundo kada taon.

Maaari umanong umulit ang impeksiyon na may ibang viral strain at tinatayang lahat ng bata ay nagkakaroon ng rotavirus infection bago pa man sila tumuntong sa limang taong gulang.

Ang malalang impeksiyon sa rotavirus gastroenteritis ang pangunahing dahilan ng malalang dehydrating diarrhea na maaaring magresulta sa pagkamatay.

Ang proyekto ay inilunsad sa Malacañang Palace at ang pangulong Aquino ang nagsilbing Keynote Speaker.

Si Aquino rin ang nanguna sa ceremonial vaccination ng mga sanggol.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply