Bangka ni Lim palubog

UNTI-UNTING nalalagas ang mga galamay ni Manila Mayor Alfredo Lim sa konseho at palakas naman nang palakas ang kampo nina dating Pangulong Erap Estrada at Vice Mayor Isko Moreno dahil isa na namang heneral na kanyang kaalyado ang lumipat ng barko sa katauhan ni Konsehal Casimiro Sison ng 6th district ng lungsod.

Ito ang hindi maitatangging katotohanan ng tinaguriang Dirty Harry ng Maynila dahil unti-unti nang nababawasan ang kanyang katig na dapat sanang katulong at kaagapay niya sa 2013 election.

Sa kasalukuyan ay 9 na lamang ang natitirang alagad ni Lim sa konseho matapos manumpa sa United Nationalist Alliance o UNA ang minority floor leader ng konseho na si Sison na halatang masayang-masaya sa bago niyang kampo.

Maging sa lahat ng survey na ginagawa sa siyudad ay lamang sina Erap at Isko at ‘yan ang pinakamasaklap na bangungot ni Lim na halatang todo ang sipag sa ngayon dahil talaga namang malakas si Erap na totoong anak ng Tondo, Maynila.

Marami pang magaganap sa Maynila sa darating na araw at iyan ang ating pakaabangan dahil baka maubos ang mga bata ni Lim na kumukuha raw lang ng tiyempo dahil mahirap daw masama sa palubog na barko.

###

Maging sa Marikina City ay maganda rin ang labanan dahil tuloy na ang salpukan ng dating mag-among sina Mayor Del de Guzman at dating MMDA boss Bayani Fernando.

Mahigpitan daw ang magiging labanan nina BF at Del dahil hating-hati raw talaga ang mamamayan sa dalawang kinikilalang lider ng siyudad. Naiipit na rin daw yung ibang lider sa nalalapit na salpukan dahil batid naman ng taga-Marikina na dating matibay na magka-alyado ang 2 moog ng lungsod.

Tugaygayan lang natin ang Marikina dahil tiyak na maganda ang nalalapit na laban dahil maihahalintulad ito sa bait kontra disiplina.

###

Hanggang ngayon ay wala pa ring lumulutang na kalaban si Quezon City Mayor Herbert Bautista sa pagka-alkalde ng pinakamayamang siyudad sa bansa.

Pero sa labanan sa pagka-konsehal at kongresista ay marami nang nagpaparamdam at gumagala-gala.

Maging ang kanilang mga tarpauline ay nagkalat na sa buong siyudad pero ang kapansin-pansin rito ay magkakamag-anak rin ang mga ito kahit pa dinagdagan ang distrito ng lungsod.

Sa ibang salita, iilang pamilya lang ang gustong mag-monopolya sa QC politics na talaga namang “juicy” dahil may P40 milyon ang pork barrel ng bawat isang konsehal dito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply