Bastos na bisita sa TV Patrol anniversary

SA kultura ng Filipino, kapag tayo ay inimbita sa isang pulong, salo-salo o pagtitipon na ang layunin ay magdiwang, sinisiguro natin na ang ating kilos at galaw ay naaayon sa tamang postura ng lipunan.

Ibig sabihin nito ay iginagalang natin ang nag-imbita, maayos ang kilos natin at tanging pagpuri at pagbibigay ng magandang loob ang ating ipakikita sa gabing iyon.

Lalong importante ito kung ang Host o nag-imbita sa atin ay isa sa pinakamalapit nating kaibigan o sumuporta sa atin sa mga nakaraan nating proyekto o ambisyon.

Sa katatapos na pagdiriwang ng ika-25 taon ng TV Patrol, naimbita si Pangulong Noynoy Aquino bilang special guest speaker sa selebrasyon ng isa sa muhon ng pagbabalita sa telebisyon sa Pilipinas.

At tulad ng inaasahang ugali, sa kanyang talumpati ay binatikos na naman niya ang kanyang host. Sinabihan na mali ang ginagawa at kung ano ang dapat gawin nito.

Lalong matindi, ang pasaring ay nakatuon sa main news anchor ng TV Patrol na si Noli de Castro, dahil siya ang Vice President ni Gloria Arroyo noon. Hindi bale na hindi kapartido ni Arroyo si De Castro.

Walang galang at bastos ang ganitong ugali para sa ating mga Filipino. Parang sinasabi ni Noynoy na walang kuwenta ang naging buhay ng TV Patrol. Na wala silang karapatang magdiwang.

Hindi ako nakadalo sa aniber-saryong ito, kahit na sabik akong makita ang mga dati kong kasama-han, dahil nasa ibang bansa ako.

At hindi ko sinasabing walang punto ang batikos ni Noynoy.

Pero may oras at panahon ang mga bagay, at hindi iyon ang panahon para sa isang gripe session. Isang bagay na sikat na si Noynoy, ‘di lang sa bansa kundi sa buong mundo.

Ginawa niya ito kay Renato Corona sa Judicial summit, sa mga Chinese sa ASEAN conference, at sa marami pang ibang okasyon.

Tila naghahanap siya ng forum para lamang makabatikos.

Sa suma-total, yung inirereklamo niya sa TV Patrol at ABS-CBN na klase ng pagbabalita ang siya mismong istilo niya ng pagtatalumpati. Ang formula niya, pumuri sandali, lalo na ng mga kakampi at kai-bigan, tirahin ang nag-imbita o isa sa mga ito, at isingit ang batikos kay Gloria Arroyo o mga dating kakampi at tauhan nito.

Nagiging luma at corny na ang istilong ito ni Noynoy. At hindi lahat oras ay matatakpan ng po-pularidad niya ang mga bagay na ito. Lahat ng Pangulo ay nauubos ang popularidad papalapit sa pag-alis nila sa puwesto. Darating din si PNoy sa sitwasyong iyon.

Sana saluhin pa rin siya ng ABS-CBN at TV Patrol, tulad ng ginagawa para sa kanya ngayon ng mga Lopez, pagkatapos niyang bastusin ang napaka-importanteng pagdiriwang nila noong Biyernes.

Dito ko na rin sasabihin ang “Congratulations TV Patrol, it was an honor to have been part of you.”

React at ira_p@hotmail.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply