Bata-bata, tuta-tuta sa pagpili ng Chief Justice

MAY maliwanag na maniobra ngayon para sa pagpili ng bagong Chief Justice kapalit ni ex-CJ Renato Corona.

Pero siyempre, nahahalo rito ang desisyon ng Korte Suprema na kailangang isa lang ang manggagaling sa Kongreso na miyembro ng Judicial and Bar Council na tagapili ng mga aplikante o kandidato para maging CJ. Itong JBC ang mag-aakyat ngayon sa Pangulo ng Pilipinas na siyang magtatalaga naman ng karapat-dapat na bagong CJ.

Saliwa ang desisyon ng Hukuman sa dating gawi na  isa ang galing sa House of Representatives at isa sa Senado bilang miyembro ng JBC.

Nitong huli, sina Rep. Niel Tupaz at Sen. Chiz Escudero ang kasali.

Pero dahil sa desisyon ng Hukuman, umatras si Sen. Chiz at tanging si Rep. Tupaz na lang ang naiwan.

SENADO NAGREKLAMO

Dahil sa pangyayari, nagreklamo ang Senado at sinabing labag sa Konstitusyon ang desisyon ng Hukuman.

Ewan natin kung nayanig ang Hukuman sa reklamo ng Senado kaya nagtakda sila ng oral argument ukol sa desisyon at may manggagaling sa Senado na sugo para ipaliwanag na kailangan ang magkahiwalay na kinatawan ng Kamara at Senado sa JBC.

Sinabi rin pala ng Senado na labag din sa Konstitusyon ang pagtatalaga ng ibang kinatawan mula sa ehekutibo maliban sa kalihim ng Department of Justice.

Nauna rito, pinagbitiw ng JBC o kusang nagbitiw yata si DOJ Secretary Leila de Lima mula sa JBC bilang pagpapakita ng delicadeza dahil kabilang siya sa mga nominee para maging CJ.

Nagpakita rin si De Lima ng kagustuhang maging CJ.

Nagkaroon pa ng ng pag-iitsapuwera kay De Lima bilang nominee o aplikante dahil sa nakabinbin na kasong disbarment laban sa kanya.

Kinasuhan siya ng disbarment o pagkakalos bilang abogado dahil sa inasal nito na hindi sumunod sa desisyon ng Hukuman noong kasagsagan ng kagustuhan ni Aling Gloria na lumabas ng bansa para umano magpagamot sa kanyang sakit sa iba.

Ewan natin kung ano ang magiging desisyon ng Hukuman makaraan ang lahat ng ito.

WALANG PUWEDE

Heto pa ang rekado sa hirap sa pagpili ng bagong CJ.

Sinabi ni Sen. Chiz na tila wala sa mga aplikante ang pupuwedeng maging CJ.

Bagama’t kuwalipikado ang lahat ng mga sumalang na sa interview, wala sa mga ito ang nagtataglay ng B o K kaya para maging bagong CJ. Kung ano ang ibig sabihin ni Sen. Chiz ay hindi naman pupuwedeng basta balewalain.

Lalo na kung makaabot ito kay Pangulong Noynoy at magkaroon ng bilib dito.

Malakas kasi ang kutob ni Sen. Chiz. Maalala ninyo ang May B na kandidato ni Sen. Chiz noon bilang Bise Presidente?

Si Vice President Jejomar Binay ‘yun. Akala ng iba, yung may yagbols…yun pala si Binay.

At siyang nanalo laban sa  minalas na si DOTC Sec. Mar Roxas na kalaban noon ni Binay.

Anong malay natin na magkakatotoo pa rin yang sinasabi ni Sen. Chiz na WHA  sa lahat ng mga aplikante o nominee ang pupuwedeng maging CJ.

‘Di ba, Sen. Miriam?

PANSAMANTALANG CHIEF JUSTICE

Baka magkatotoo naman ang sinasabi ni Sen. Chiz na kung magkaroon man ng Chief Justice ngayon, pansamantala lamang.

Yun bang === magtatalaga si PNoy ng CJ ngunit para lang  matupad ang itinatakda ng batas na panahon ng pagtatalaga.

Madali sana umano kung manggagaling mismo sa mga associate justice ng Hukuman ang panggagalingan ng CJ. Kapag pinili riyan ang pinakamatanda sa posisyon o pinakasenyor sa lahat diyan, okay na.

Ang problema ay may pulitika o hinaluan na umano ng pulitika na luma at bago ang utak ng mga mahistrado riyan.

May pinaupo kasi si ex-President Fidel Ramos diyan at may mga pinaupo na rin sina Aling Gloria at PNoy mis-mo. Baka magkaroon umano ng labo-labo at mag-away-away pa ang
mga Hukom.

BATA-BATA, TUTA-TUTA

Pero ang higit na pinag-uusapan diyan ay kung magkakaroon ng mga tuta-tuta at bata-bata system sa magiging CJ. At ito ang pinagkakaguluhan.

May nagsasabing ito ang dahilan ng pag-iitspuwera ng Hukuman sa dalawang kinatawan ng Kongreso.

Ito rin umano ang dahilan ng pag-angal ng ilang senador at mga kongresman.

Paano naman umano kung manggagaling sa Palasyo ang bata-bata at tuta-tuta system?

Lalong magkakagulo.

Dahil ayaw nga ng mga taga-Kongreso, lalo na ang Senado na talian sa ilong ng Palasyo
ang magiging CJ.

OUTSIDER ANG PIPILIIN

Paano naman kung magkaroon si PNoy ng sariling pili na wala sa mga nasa listahan ng JBC at nakaupong mga associate justice ng Hukuman?

May nagsasabing pupuwede ito dahil naganap na nga ito sa maraming beses.

Magiging bata-bata o tuta-tuta naman kaya ni PNoy ang itatalaga niya bilang permanenteng CJ?

MATAPOS ANG APPOINTMENT

Para sa atin, ang magiging CJ ay hindi dapat na maging bata o tuta ng appointing authority at susundin nito ang nasa Konstitusyon na nagsasabing magkakahiwalay at pantay-pantay sa kapangyarihan ang Hudikatura, Lehislatura at Ehekutibo.

Dapat na kumapit ang bagong CJ dito para magkaroon ng check and balance laban sa pang-aabuso sa kapangyarihan mula sa nasabing tatlong sangay ng pamahalaan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply