Binata hinampas ng bato sa ulo, tigok

“HEMORRHAGE” ang dahilan ng pagkamatay ng isang 26-anyos na binata makaraang hampasin ng malaking tipak ng bato sa ulo nang mapasama sa rambulan sa Ermita, Manila, kaninang madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Alvin Ojera Y Fontejos, 26 anyos na dishwasher ng Ka-Freddie’s Bar sa Adiriatico St., sa Ermita, na namatay habang inoobserbahan sa Ospital ng Maynila.

Mabilis namang nagsitakas ang mga suspek na ipinalalagay na may 15 kalalakihan at sinasabing isa rito ang may kagagawan ng krimen na tinatayang nasa edad 35 hanggang 40; may taas na nasa 5’3 hanggang 5’4 taas; maskulado; maitim ang balat; nakasuot ng kulay asul na T-shirt, itim na jacket at maong pants.

Batay sa ulat na isinumite ni Det. Benito Cabatbat kay P/Sr.Insp. Joselito de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Crime Against Persons Investigation Section, dakong 4:00 ng madaling araw nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng Adriatico malapit sa panulukan ng Remedios St., sa Ermita.

Nauna rito, tapos na sa trabaho si Ojera at mga kasamahan at nagkayayaan silang mag-happy happy sa Rendezvous Bar sa Adriatico St., sa nasabing lugar, kasama ang ilang kasamahan nang magkita-kita ang kanilang grupo.

Ilang oras din silang tumagal sa nasabing bar at nang mabayaran na umano ang kanilang nainom na alak, nagkayayaan na silang umuwi.

Habang naglalakad ang magkakasama ay nag-aabang na pala ang kabilang grupo sa kanila.

Dahil sa handa ang mga suspek, nagkanya-kanya ng takbo papalayo ang biktima at ang kanyang mga kasamahan, subalit hindi pa man gaanong nakakalayo si Ojera, nang abutan ito ng isa sa mga suspek na may hawak ng malaking tipak ng bato at malakas na inihampas ito sa ulo ng biktima.

Nang makitang nakahandusay na sa semento si Ojera, kumaripas ng takbo papalayo ang mga suspek habang isinugod naman sa ospital ang biktima ngunit bawian rin buhay.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply