BIR: P1.006-T koleksiyon sa buwis, kumpiyansa na maabot

KUMPIYANSA si Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares na makukulekta nila ang napakataas na P1.006 trillion na tax collection goal bago matapos ang buwan ng Disyembre nitong taong 2012.

Ito ay sa gitna ng mga repormang ipinatutupad sa BIR gaya ng pagsibak sa mga corrupt, misfits at undesirable officials and men at ang kasalukuyang ‘rigudon’ na isinasagawa sa ahensya.

Gulat si Henares sa ipinamalas na tax collection performance nina BIR Regional Directors Nestor Valeroso, Jonas Amora, Simplicio Madulara at Tomas Rosales, ng Makati City, Quezon City, Manila at Valenzuela City, ayon sa kanilang pagkakasunod.

Tumanggap din ng parangal si Pasig City West Revenue District Officer Luisito Chito Alberto bilang ‘Top Collection Performance Office Award’ sa kabila ng napakataas na tax goal na iniatang sa kanya.

Kabilang sa mga repormang isinusulong ni Henares ay ang higit na pagpapalakas ng sistema sa pagbubuwis, gaya ng pagpapatupad ng mga makabagong makinarya sa taxations, paggamit ng modernong tax methods, ang pagtataas sa suweldo, allowances at iba pang benepisyo, gayundin ang retirement pay.

Si Pangulong Benigno Aquino at Finance Secretary Cesar Purisima ay kabilang sa inanyayahan ng lady commissioner na dumalo sa pagdiriwang ng BIR Anniversary sa darating na Agosto, 1. Una nang umatras si Henares sa kanyang nominasyon sa Judicial Bar Council bilang isa sa hanay ng mga pinagpipilian para ihalili sa sinibak na dating Chief Justice Renato Corona.

Duda ng ilang kritiko ni Henares na tila umano’y nagpapalamig lamang ito at sa sandaling maihayag na ang susunod na CJ ng Supreme Court, isa ito sa nakatakdang maging cabinet member ng Pangulong Aquino.

Ayon pa sa source, kung hindi Finance Secretary ay Secretary ng Department of Justice ang nakalinya kay Henares kaugnay ng nakabinbing major revamp ng Malacanang sa hanay ng mga gabinete.

Kung si Henares ang masusunod, mas nais umano nitong si BIR Deputy Commissioner Estela Sales ang ipalit sa kanya ng Malacanang para ipagpatuloy ang nasimulan niyang reporma sa BIR.

Una nang umugong na inirekomenda kay Pangulong Aquino ni Secretary Purisima na ibalik bilang BIR chief si dating Commissioner Joel Tan Torre sakaling mabakante ang naturang posisyon. Pero maging si Pangulong Noynoy ay may sarili din umanong ‘manok’ na gustong iluklok sa BIR sa katauhan naman ng isang nagngangalang Attorney Imelda Fernandez, sinasabing dating accountant ng pamilya Cojuangco-Aquino.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply