Bitay at ang mga pagpatay sa pulis, militante, kriminal

SA totoo lang nakababahala ang nagaganap na patayan sa mahal kong Pinas.

Akalain ba nating ang daming sinasalvage at inaambus ngayon.

Extrajudicial killings ang tawag dito, mga Bro.

Yun bang === hindi na idinaraan sa hukuman ang paghuhukom sa bawat isa.

Basta tinatapos na lang sa bala at patalim ang mga sigalot.

MGA PULIS ITINUTUMBA

Hindi na lang ang mga sibilyan o kriminal kaya ang biktima ng extrajudicial killings.

Kasama nang tinotodas ang mga parak.

Siyam nang pulis-Maynila ang iniuulat na tinumba ng hindi pa nakikilalang mga kriminal.

Sunod-sunod na ngang nagaganap ito.

MILITANTE ITINUTUMBA RIN

Ang mga militante ang unang umaangal sa extrajudicial killings na umuubos umano sa kanilang hanay.

Sabi, parami nang parami umano ang mga pinapatay sa kanila at hindi totoo na kumakapit ang mga kinauukulan sa batas sa human rights.

Wala umanong pagbabago ang nagaganap ngayon kumpara sa mga nagdaang panahon o administrasyon.

Ito’y sa  kabila ng “matuwid na daan” na pinaiiral.

MGA SIBILYAN UMAANGAL

Maya’t maya umaangal din ang mamamayan sa mga salvaging.

May isa pa ngang pinakuan ng cellphone sa ulo.

Yung iba, may sulat pa sa kanilang mga kapwa snatcher, mandurukot o holdaper na magbago na sila.

Ang mga nakasulat na ganito ay natatagpuan sa tabi ng kanilang mga bangkay.

MAGKAKAMAG-ANAK DIN

Kung mapapansin ninyo, mga Bro, sa ating pahayagan, halos araw-araw ang mga patayan ng mga magkakamag-anak.

May mga masaker pa nga ng mga pamilya na isinasagawa mismo ng mga magulang.

Pero madalas ngayon ang pagpatay ng ama sa anak o anak sa magulang.

Sari-sari ang mga dahilan, mga Bro, sa mga patayang ito. Ngunit nakababahalang isipin na lumalabas na nawawala na ang sinasabing lapot ng dugo.

Ang masakit, pati ang mga sanggol o paslit ay pinapatay ng mga magulang.

At may nakapapatay na ring mga bata sa kapwa nila mga bata.

MGA PATAYAN ‘DI ORDINARYO

Para sa atin, hindi ordinaryo ang mga patayang nagaganap.

Bakit nga ba inilalagay ng mga salarin sa kanilang mga kamay ang buhay at kamatayan ng iba?

Dahil ba sa kawalan nila ng pag-asa para sa katarungan mula sa mga umiiral na batas?

Tanong ito sa mga sadyang pagpapatay na dapat sana ay iniaangat sa mga hukuman ang mga kaugnay na sigalot na kinasasangkutan ng mga ito.

Halimbawa rito ang mga kasong pagpatay sa mga hinihinalang kriminal o militante o pulis.

PARUSANG BITAY

Dito natin naiisip ang parusang bitay na maya’t maya ay binubuhay at pinapatay naman ng gobyerno.

Halimbawang umiiral ang parusang bitay, magkakaroon kaya ng pagbabago sa mga extrajudicial killing?

Yun bang === magkakaroon kaya ng malaking kabawasan sa mga patayan?

Dahil maiisipan ng mga magkakatunggali na ipasakamay na lang sa batas ang mga sigalot na hindi madaraan sa paupo at patayong usapan?

Marahil. Basta’t dumaan ang lahat sa mahigpit na pagdinig sa mga kaso nang walang kinikilingan ang batas.

IBALIK ANG PARUSANG BITAY

Marami ang kumukontra sa muling pagbuhay ng parusang bitay.

Wala  umanong kapangyarihan ang sinoman na kumitil ng buhay kundi ang Maylikha.

Subalit klaro na may mga kasong hindi malulutas hangga’t hindi nabubura sa mundo ang mga may kagagawan nito.

Isang halimbawa  ang pagmasaker sa Maguindanao sa mediamen at iba pang sibilyan.

Pero marami pang ibang kaso ang katulad ng nasabing masaker na kinakikitaan ng pang-aabuso sa tungkulin.

HULOG NG LANGIT

Isa pa, anong malay natin na sa pagpapairal ng parusang bitay, parang hulog din ng langit ito.

Alalahaning mismong ang Diyos ay nag-uutos ng kamatayan kung kinakailangan.

Kung sukdulan na ang kawalan ng tunay na pananampalataya, katarungan, pagsunod sa batas at pagpapahalaga sa buhay ng kapwa at iba pa.

Sa katunayan, ang mga dakilang propeta mismo ang nagsasagawa ng mga pagpatay kagaya nina Moises, David at Isaias at naaayon umano ito sa kagustuhan ng Maylikha.

BITAY SA DROGA

Anong malay natin na isa sa mga malalalim na ugat ng mga patayan ay droga?

Ang daming napapahamak dahil sa gawa ng mga pasimuno sa pagpapakalat ng mga iligal na droga.

Baka may malaki pang kaugnayan dito ang mga pagpaslang sa mga pulis, salvaging sa mga ordinaryong kriminal, patayan ng mga magkakamag-anak at iba pa.

Ang sabi pa nga, bagama’t may mga nakakulong na druglord, nasa labas pa rin sa kulungan ang kamay ng mga ito na nagtutulak ng droga kaya maraming patayan ang nagaganap.

Bitay ang katapat sa mga druglord.

Sa Tsina, Vietnam at maraming bansang Moslem, bitay ang ipinanlalaban sa droga.

Kaya naman, talagang napuputol ang pagkalat ng droga sa kanila.

Pati ang mga Pinoy ay nasasampulan at hindi lang ang sarili  nilang kababayan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply