Biyaheng langit ng piloto

KAILANGANG magsagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad, partikular na ang Philippine Drug Enforcement Agency, para siguruhin ang kaligtasan ng publiko lalo at higit ang mga regular na sumasakay sa mga eroplano.

Ang panawagang ito ay may kaugnayan sa napabalita kamakailan na pagkakadakip ng mga ahente ng PDEA sa isang aktibong commercial airline pilot na sangkot sa bentahan ng iligal na droga.

Ang pagkakahuli sa suspek na kinilalang si Rioklyn Toledo na umaming siya ring tulak ng shabu sa mga kapwa niya piloto ay isang rebelasyon na dapat lubhang ikabahala ng publiko, ng drug authorities at airline owners.

Kung totoo ang sinasabi ng suspek na maliban sa kanya ay regular ding gumagamit ng shabu ang mga kapwa niya piloto, ibig sabihin ay hindi pala nakatitiyak ng kaligtasan ang mga airline passenger. Nakatatakot isipin na ipinagkakatiwala ng maraming tao ang buhay nila sa kamay ng isang piloto na hindi naman pala normal ang kaisipan habang nasa himpapawid sila.

Dapat nating alalahanin na kapag high sa drugs ang isang tao ay kung ano-ano ang nagsasalimbayan sa kanyang isip kaya hindi normal ang kanyang decision-making. Paano kung mapagtripan ng isang high na piloto na gawing mas mabilis kaysa sa normal cruise speed ang eroplano o di kaya naman ay maisipan niyang lagpasan ang altitude capacity ng sasakyan niya?

Kapag nagkaganoon ay siguradong kapahamakan ang aabutin hindi lamang ng sabog na piloto kundi pati ang mga pasahero niya. Kaya hindi biro ang problema ng airline industry na natuklasan dahil sa pagkakahuli ni Toledo. Tutal tapos na naman ang SONA ni Noynoy kaya puwede na sigurong pagtuunan na agad ng pansin ang nangyayaring ito sa airline industry.

Una sa lahat ay dapat maging mas mahigpit ang mga airline firm sa pagsala sa mga piloto na kinukuha nila, at sa panig naman ng mga awtoridad ay dapat bumalangkas din sila ng mga hakbang na sisiguro na hindi gumagamit ng droga ang bawat piloto na magpapalipad ng eroplano.

Sa totoo lang ay dapat kumilos na agad ang mga concerned office at huwag na nilang hintayin na may madisgrasya pang eroplano bago sila kumilos.

Mahirap ng masabit pa ang mga inosenteng pasahero sa biyaheng langit ng mga sabog na piloto.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply