Breath analyzers ‘di pa maipatutupad sa mga motorista

KASALUKUYANG nakabinbin pa sa Kongreso ang panukalang batas na iniakda ng nakaditineng si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kaya’t hindi pa maaaring gamitin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ipinagmamalaking “breath analyzers” sa mga pribado at pampublikong motorista.

Ito ang inihayag ni Atty. Emerson Carlos, MMDA Asst. General Manager for Operations, makaraan ang nauna nilang kampanya na tiyakin na wala silang tauhan na nasa impluwensya ng alak habang nasa duty.

Ayon kay Carlos, hindi pa nila magagamit ang naturang gadgets sa mga motorista dahil naka-pending pa sa Kongreso ang House Bill 382 (Driving Under the Influence of Alcohol Act of 20120) na inakda ng dating Pangulo at ng anak nitong si Camarines Sur Rep. Diosdado Arroyo.

Batay sa naturang panukala, paparusahan ang mga motorista na mahuhuling may “alcohol level concentration” sa katawan ng 0.06% o higit pa.  Mababatid lamang ito sa paggamit ng mga “breath analyzers”.

Habang hindi umano ito naipapasa, magagamit lamang ang naturang mga gadget sa loob lamang ng MMDA o sa kanilang mga tauhan at opisyales.  Mabuti rin umano ito makaraang makatanggap ng mga ulat na ilan sa kanilang mga tauhan lalo na iyong nasa lansangan ay umiinom o nasa impluwensya ng alak habang nasa duty.

Ipinagmalaki ni Carlos na wala pa silang nati-test na positibo sa alkohol sa ilang araw na pagsasagawa nila ng pagsusuri sa mga tauhan.  Ito’y sa kabila ng istrikto nilang panuntunan na papatawan ng parusa sinuman na mahuhuli kahit na nasa 0.01% ang alkohol sa katawan kahit na ang “standard legal” na alkohol sa katawan ay 0.06-0.08%.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply