Buong gusali ninakaw

IT’S MORE FUNtastic in Subic ang version ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) bilang slogan sa turismo para sa Freeport na pinapangasiwaan nito.

Ito Ang Totoo: pwede dahil, malamang, sa Subic Freeport lang nagkakanakawan ng buong gusali, hindi lamang ang laman kundi loob at laman – pati pako, yero, ilaw, poste, dinding at siyempre, ang mga nagbibigatang bakal.

Ang naturang napatag na gusali ay nasa tabi ng ngayo’y PNP Training Center sa Naval Magazine area na itinayo noong base militar pa ng Amerikano ang Subic kaya materyales fuertes, ‘ika nga.

Tanong ng sorbetero sa kalye: pwede pala iyon kahit nasa loob ng Freeport na may sariling mga guwardiyadong gate?

Ito Ang Totoo: pwede kung may kasabwat na mga kinauukulan, pati siyempre ang mga guwardiya mismo sa gates ng Freeport.

Halimbawa na lang itong sina Jose A. Reyes at Junjun M. Mallari na guwardiya sa Kalayaan Gate noong June 21, 2012 na mistulang bulag na dinaanan lang ng punong-puno ng kung anong naka-cover na Elf Truck na may plate no. CRW 134.

May nakapag-video sa mga kumag kaya ayon, ni-relieve agad at pinaiimbestigahan na ngayon ni SBMA Law Enforcement Dept. (LED) Head Gen. Orlando Maddela (PNP Retired).

Ito Ang Totoo: kung buong gusali nga ay nananakaw sa Subic Bay  Freeport,  ano pa kaya ang hindi pwedeng manakaw dito?

Tanungin na lamang natin ang mga residente ng Freeport, partikular sa Kalayaan at Binictican Housing areas, kung makailang beses na silang nanakawan, kasama na ang ilang Manila-based media personality na may housing units dito.

Malaking sabwatan, kung hindi sindikato, ang mga magnanakaw na ito at mistulang walang salawal ang LED sa kakulangan ng gamit at pagkakaroon ng mga tauhang tiwali tulad nina Reyes at Mallari. Funtastic nga!

Dapat at nahuhuli na sa panahon na seryosohin na ng SBMA Board sa ilalim ni SBMA Chair & Administrator Roberto V. Garcia ang law enforcement at kalalagyan ng LED ng ipinagmamalaking Freeport na tadtad pala ng anomalya at hokus-pokus ng ilang tauhan at opisyal nito. Ito Ang Totoo!

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng text ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebook http://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply