Career coaching sa public schools sa Marikina isinagawa

PARA mabawasan ang mismatch sa trabaho o hindi pagtutugma ng kakayahan sa trabahong pinasukan, nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng Marikina sa pamamagitan ng Labor Relations and Public Employment Service Office (LRPESO) ng Career Coaching o Career Guidance sa lahat ng pampublikong paaralan sa sekondarya na sinimulan noong ika-5 ng Hulyo sa Tañong High School.

Layunin ng aktibidad na ito na matulungang ihanda ang mga estudyante  sa pagpili ng angkop na kursong kukunin sa kolehiyo na akma sa kanilang kakayahan at tutugma sa pangangailangan ng mga trabaho na kinakailangan ng mga industriya.

“Nais natin na bago pa man tumuntong sa kolehiyo ang mga mag-aaral ay mabuo na ang kanilang pasya sa kung anung kurso na naaayon sa kanilang kakayahan at trabaho ang nais nilang pasukan pagdating ng panahon. Sa ganitong paraan mas mabilis silang makakahanap at matatanggap sa kanilang nais pasukang trabaho,” ani Mayor Del De Guzman.

Bukod sa pagtukoy sa kursong nararapat kunin ng isang mag-aaral ayon sa kanyang kakayahan, tuturuan din ang mga ito ng paggawa ng resume o biodata at mga posibleng tanong at sagot sa mga interview o panayam na kanilang pagdaraanan sa paghahanap ng trabaho.  Dito ibabahagi rin sa mga mag-aaral ang mga trabahong hinahanap ng mga kumpanya sa ngayon.

Samantala, bukod sa pag-iikot sa mga paaralan ay magsasagawa namang muli ng ikatlong Mega Job Fair ang LRPESO sa ika-20 ng Hulyo, simula ika-8 ng umaga hanggang ika-3 ng hapon sa Marikina Sports Park.

Lalahukan ang nasabing Job Fair ng humigit kumulang 65 kumpanya na magbubukas ng humigit 5,000 trabaho.

Inaasahan naman ng lokal na pamahalaan ng Marikina na sa pamamagitan ng aktibidad na ito ay maraming residente ang magkakaroon ng trabaho.

Para sa mga katanungan, mangyaring makipag-ugnayan sa Labor Relations and Public Employment Service Office sa numero bilang (02) 681-9277.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply