CBCP dismayado sa pahayag ni PNoy sa RH Bill

DISMAYADO ang Simbahang Katoliko sa determinasyon ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III na isulong ang Reproductive Health (RH) bill, nang banggitin ito sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes.

Ayon kay Fr. Melvin Castro, executive secretary ng Episcopal Commission on Family and Life (ECFL) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), malinaw na ngayon na ang bersiyon ni Pangulong Aquino ng RH bill na tinatawag nitong “responsible parenthood” ay hindi tungkol sa kalusugan ng isang ina at kanyang sanggol, at sa halip ay may kinalaman sa birth control.

“We are deeply saddened and disappointed about it,” ayon pa kay Castro.

Sa ikatlong SONA ni Pangulong Aquino kahapon (Hulyo 23), inilatag ng Pangulo ang mga programa ng administrasyon na tumutugon sa mga problema sa sistema ng edukasyon tulad ng kakulangan ng libro at silid-aralan.

Gayunman, sinabi rin ng Pangulo na bagamat nais nilang matugunan ang problema ay tiyak na mananatili ito dahil sa patuloy na pagdami ng populasyon ng mga estudyante kaya’t makatutulong rin aniya kung maisusulong ang Responsible Parenthood upang tuluyan na itong masolusyunan.

“They’ve got so many excuses. In the end, it is about population control,” ayon pa kay Castro.

Labis ding ikinadismaya ni Castro ang paggamit nito sa population control bilang solusyon sa mga hamon na kinakaharap ng sektor ng edukasyon.

Aniya, wala siyang makitang anomang koneksyon sa problema ng edukasyon at RH bill o responsible parenthood ni PNoy dahil ito’y pagsusulong aniya ng paggamit ng contraceptives.

Iginiit pa ni Castro na taliwas sa ulat ng population explosion sa bansa ang data ng National Statistics Office (NSO) at ng Population Commission na nagpapakita ng “downtrend” sa population growth rate.

“There’s something wrong with the President’s thinking and his solution to the problem,” aniya pa.

Samantala, sinabi naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na tila hindi nalalaman ng Pangulo ang kanyang sinasabi nang banggitin nito ang responsible parenthood na isinusulong ng kanyang administrasyon.

Naniniwala si Cruz na ang tinutukoy ng Pangulo sa kanyang talumpati ay ang kontrobersyal na RH bill na mariing tinututulan ng simbahan.

Aniya, dapat malinawan ang Pangulo sa nasabing usapin dahil para sa Simbahang Katoliko ang responsible parenthood ay tumutukoy sa natural family planning, ngunit ang tila tinutukoy naman ng Pangulo sa SONA ay ang pagsusulong ng contraception.

Naniniwala rin ang dating arsobispo na ang pinalakpakan ng mga nanonood ay hindi ang esensya ng responsible parenthood kundi ang artipisyal na pagpaplano ng pamilya na nakapaloob sa RH bill na matagal nang nais na maipasa ng ilang sektor.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply