CBCP kumpiyansa na ‘di papasa ang RH bill

KUMPIYANSA ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hindi maipapasa sa Kamara ang tinututulan nilang Reproductive Health Bill, kasunod nang sinasabing “judgment day” sa Agosto 7 kung kailan pagbobotohan na ang terminasyon ng interpellation sa naturang panukalang batas.

Ayon kay Antipolo Bishop Gabriel Reyes, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life (ECFL), hindi maipapasa ng mga proponent ng RH bill ang panukala kahit pa magbotohan na ang mga ito ngayon hinggil dito. Reaksyon ito ng obispo sa resulta ng caucus ng mga nagsusulong ng RH bill na dapat nang pagbotohan kung iti-terminate o hindi ang debate sa kontrobersiyal na panukalang batas.

Kumbinsido si Reyes na may sapat na bilang ang mga Kongresistang tutol sa RH bill base na rin sa ginawang survey ng mga Obispo sa mga mambabatas sa kani-kanilang Dioceses at Archdioceses.

Ang survey ay ginawa dalawang linggo bago magtipon-tipon ang mga Obispo para sa ika-105 na plenary assembly ng CBCP noong unang linggo ng Hulyo.

Sa panayam ng church-run Radio Veritas, sinabi ni Reyes na mula sa 85 Dioceses at Archdioceses sa buong Pilipinas ay 71 ang lumahok sa survey ng CBCP-ECFL kung saan lumitaw na 131-Kongresista ang tutol sa RH bill; 46 naman ang boto para sa RH bill habang 24 naman ang undecided.

Hindi naman kasama sa survey ang mga Party-list Representatives. Kasunod naman nang pagsuporta ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa RH bill, nananawagan si Reyes sa mga anti-RH Congressmen na maging matatag at manindigan sa kanilang “NO vote” sa naturang panukalang batas kapag nagbotohan na sa plenary.

Umaapela rin ang Obispo sa mga undecided pang Kongresista na pagnilayan at pag-aralan ng mabuti ang nilalaman ng RH bill para makapagdesisyon sila ng tama.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply