Comelec patuloy na naghahanap ng bodge para sa PCOS machines

UMAASA ang Commission on Elections (Comelec) na bago sumapit ang katapusan ng buwan ng Agosto ay makakahanap na sila ng bagong warehouse na paglalagakan nila ng mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines na gagamitin nila sa pagdaraos ng automated elections sa taong 2013.

Nabatid na sa Agosto 31 ay mapapaso ang libreng paggamit ng Smartmatic sa kanilang warehouse sa Cabuyao, Laguna kaya’t kakailanganin ng Comelec na magbayad ng renta kada buwan na mas malaki umanong gastos para sa poll body.

Kaugnay nito, muling magsasagawa ng bidding ang Comelec para makahanap ng warehouse.

Una nang nagkaroon ng bidding para sa warehouse ngunit nagkaroon ng failure of bidding kasunod ng deklarasyon ng Special Bids and Awards Committee (SBAC) na ineligible to bid ang lone bidder na joint venture RV Marzan Forwarders Inc. at Bodega Site IT Solutions Inc.

Sumali rin naman umano sa bidding ang Smartmatic – Total Information Management (TIM) Corporation ngunit umatras rin.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., inaprubahan na nila ang pagsasagawa ng rebidding para sa warehouse batay na rin sa nakasaad sa Government Procurement Law o Republic Act 9184.

Maaari lamang kasi aniya ang negotiated bidding pagkatapos ng dalawang bigo o failed bidding.

Dagdag pa ni Brillantes na sa re-bidding ay tinitignan nila ang posibilidad na mag-adjust sa ilang specifications ng proyekto na posibleng nakaapekto umano kaya nagkaroon ng failure.

May P112 milyon ang pondong inilaan ng poll body para sa Warehouse na may Configuration Facilities para sa mga PCOS machine.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply