Comelec: Term-sharing sa partylist seats, bawal

NANINDIGAN ang Commission on Elections (Comelec) na bawal ang ‘term-sharing’ sa partylist seats.

Ayon sa Comelec, ang public office ay hindi isang produkto na maaaring paghatian.

Ginawa ng Comelec ang desisyon kasunod nang pagbasura sa petisyon na inihain ng Coalition of Associations of Senior Citizens in the Philippines Inc. (SENIOR CITIZENS PARTY-LIST), para sa kumpirmasyon ng replacement nito para sa isang nagbitiw na partylist nominee.

Nag-ugat ang kaso matapos na magbitiw sa puwesto noong Disyembre 31, 2011 si David Kho bilang miyembro ng House of Representatives upang bigyang-daan ang pag-upo sa puwesto ni Remedios Arquiza na ikaapat na nominado ng kanilang grupo.

Gayunman, ibinasura ng Comelec ang petisyon sa EM No. 12-040, na na-promulgate noong Hunyo 27, 2012, dahil sa kawalan ng merito.

Ayon sa Comelec, hindi nila maaaring kilalanin ang anomang kasunduan na ginawa ng partylist group na taliwas sa public policy.

“Considering that it is an admitted fact that the resignation of Rep. Kho was made by virtue of a prior agreement of the parties, we resolve and hereby rule that we cannot recognize such arrangement and accordingly we cannot approve the movement in the order of nominees for being contrary to public policy,” ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr. na siyang ponente ng kaso.

“The term of office of public officials cannot be made subject to any agreement of private parties. Public office is not a commodity that can be shared, apportioned or be made subject of any private agreement. Public office is vested with public interest that should not be reined by individual interest,” pahayag pa ni Brillantes.

Matatandaang nagpalabas ang Comelec ng Resolution No. 9366, na nagsasapormal ng polisiya sa pagbabawal ng term-sharing sa mga party-list nominee.

“Term-sharing of nominees – Filing of vacancy as a result of term-sharing agreement among nominees of winning party-list groups/organizations shall not be allowed,” anang Section 7 ng resolusyon.

Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, sa ilalim ng bagong panuntunan, tanging ang pagkamatay lamang o diskuwalipikasyon ng partylist representative ang ikukonsidera nilang matibay na batayan para magpalit ng kinatawan sa Kamara.

Sa kabila nito, kinakailangan pa ring magsumite ang mga partylist group ng limang pangalan bilang kanilang nominado bago ang halalan, na may ranking na mula first hanggang fifth.

Nabatid na inilabas ng Comelec ang resolusyon matapos na maobserbahang ilang partylist representatives ang nagbibitiw sa puwesto sa kalagitnaan ng kanilang termino upang bigyan ng pagkakataon ang kasunod nitong nominado na makaupo sa puwesto.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply