Cooking contest isasagawa sa Marikina

PARA sa mas masustansyang pagkain sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Marikenyo, ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Nutrition Section ng City Health Office (CHO) ay magsasagawa ng paligsahan sa pagluluto sa ika-13 ng Hulyo, sa ganap na ika-9 ng umaga sa Nutrition Center na nasa ika-5 palapag ng Healthy City Center na matatagpuan sa Shoe
Ave., Brgy Sto. Niño.

May temang “Pagkain ng gulay ugaliin, araw-araw itong ihain,” ang pagdiriwang ng 38th Nutrition Month sa buong bansa ay naglalayong isulong ang mataas na pagkonsumo at pagkain ng gulay sa bawat tahanan. Layon din nito na mahikayat ang mga residente na magtanim ng gulay sa kanilang bakuran.

Ang paligsahan sa pagluluto ay lalahukan ng may 14 na mga barangay at community nutrition volunteers mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod.

Magtatagisan ang mga ito sa pagluluto ng pinakamasarap at pinakamasustansyang putaheng mula sa gulay sa budget na PhP50. Ang mga mananalo ay makakatanggap ng sertipiko at ilang papremyo.

Sa ika-20 ng Hulyo naman ay magkakaroon ng cooking demo para sa mga miyembro ng Above 60 Academy na kinabibilangan ng senior citizens sa lungsod. Dito ituturo sa mga lolo at lola ang iba pang mga putahe na maaari nilang lutuin o kainin gamit ang mga gulay.

Samantala, patuloy ang isinasagawang Veggie Nutri Lecture sa may 30 day care na nasa ilalim ng pangangasiwa ng City Social Welfare and Development Office. Karaniwang idinadaos tuwing Miyerkules at Huwebes, dito ay hinihikayat ang mga batang kumain ng iba’t ibang gulay.

Dagdag pa rito, maririnig sa himpilan ng DEL Radio 1674 kHz ang programang Veggie Talk sa apat na Lunes ng buwan ng Hulyo na tumatalakay sa kahalagahan ng pagkain ng gulay.

“Ang mga programang ating inihanda para sa buwan ng nutrisyon ay hindi nagtatapos pagkatapos ng pagdiriwang na ito. Magandang ugaliin ang pagkain  ng gulay, lalo na sa mga bata. Bukod sa hatid nitong sustansya at bitamina sa katawan, ang gulay ay mainam na panlaban sa mga sakit,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Para sa iba pang impormasyon kaugnay ng mga programang inihanda ng lokal na pamahalaan sa pagdiriwang ng Nutrition Month, mangyaring makipag-ugnayan sa Nutrition Section ng City Health Office sa numero bilang (02) 997-4130.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply