Cooking demo gagawin sa Marikina

UPANG mas mapalawig pa ang kaalaman sa pagluluto ng iba’t ibang masustansyang pagkain, magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng Marikina sa pamamagitan ng Nutrition Section ng City Health Office (CHO) ng cooking demo sa ika-24 ng Hulyo sa Nutrition Center, 5th floor ng Healthy City Center na nasa kahabaan ng Shoe Ave., Brgy. Sto. Niño.

Ang proyekto ay inihanda bilang pakikiisa ng lungsod sa pagdiriwang ng ika-38 Nutrition Month na may temang “Pagkain ng gulay ugaliin, araw-araw itong ihain.”

Layunin ng nasabing aktibidad na makapagbigay ng dagdag na kaalaman sa mga dadalo tungkol sa mga bagong paraan upang higit pang mapasarap ang mga putaheng gulay ang pangunahing sangkap.

Inaasahan ang pagdalo sa nasabing aktibidad ng Marikenyong si Kyle Imao, ang nagwagi at kauna-unahang Junior Master Chef ng isang kilalang patimpalak sa telebisyon . Magluluto  si Imao ng isang putahe gamit ang talong bilang pangunahing sangkap.

Dadaluhan ang cooking demo ng may 30 katao mula sa Infant and Young Child Feeding, ilang Midwife, ilang Barangay Nutrition Scholars at dieticians ng City Health Office.

“Tiyak na maraming matutunan ang mga dadalo sa gagawing ito ni Kyle. Alam naman nating hindi lahat ng mga bata ay kumakain ng gulay. Inaasahan natin na sa pamamagitan ng aktibidad na ito ay mas mapapasarap na ang mga simpleng lutuing mula sa gulay at mas maraming bata ang maeengganyong kumain nito,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Dagdag pa rito, maririnig sa himpilan ng DEL Radio 1674 kHz sa lahat Lunes ng buwan ng Hulyo ang programang pangkalusugan na tumatalakay sa importansiya ng gulay at nutrisyon.

Para sa iba pang impormasyon kaugnay sa mga programang inihanda ng lokal na pamahalaan sa pagdiriwang ng Nutrition Month, mangyaring makipag-ugnayan sa Nutrition Office ng City Health Office sa numero bilang (02) 997-4130.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply