Daang matuwid ‘di umuubra sa kalsada

GUSTO nating bigyan si PNoy ng larawan ng gobyerno na hindi na yata makukuha sa matuwid na daan.

Pero kakambal nito ang panawagan natin sa kanya na pansinin niya ito at ituwid.

Diyan sa lansangan nagaganap ang malawakang kalokohan ng mga taong gobyerno.

oOo

Diyan lang sa sinasabi nilang helmet law, may sakit sa ulo na malaki.

Sabi ng mga taga-LTO, matagal nang nakatayo ang patakaran na dapat na may tatak na ICC ang mga helmet ng mga nagmomotorsiklo at gusto nilang ipatupad agad sa Agosto 1 ang patakaran. Naudlot lang ito sa pakiusap ng Department of Trade and Industry na ipospon ang panghuhuli.

Heto ang sakit sa ulo. Milyong motorista ang bumili ng mga helmet na wala palang tatak ngunit napakamamahal. Ngayon madodoble ang kanilang gastos kung hindi papasa ang nabili nila sa test na isasagawa ng gobyerno na nagpahintulot ng pagbebenta ng ganyang helmet.

Isa pa, bakit sa Metro Manila lang may pagte-test at pagtatatak? Paano ang mga nasa lalawigan na walang magtatatak ng helmet nila?

oOo

Heto pa ang isang sakit sa ulo. Kahit saan sa Metro Manila, napakabibilis na magpalit ng ilaw ang mga trapik layt at tatlong segundo lang ang pagitan ng green at red. Dahil dito, hinuhuli ng mga pulis at trapik enporser ang natatamaan ng lintek na kasimbilis ng kidlat na trapik layt.

Dahil dito, sinasabing ang LTO at trapik brigeyd ng mga siyudad ang pinakamalaking mag-akyat ng salapi sa gobyerno.

Ugali pa ng mga ito ang manghuli sa araw ng Biyernes at sa Martes na lang nakapamamasada ang mga tsuper makaraang makakomisyon sa kanila ang mga pulis at enporser sa Lunes. Gutom tuloy ang inaabot ng pamilya ng mga tsuper sa ilang araw.

O PNoy, nasaan dito ang daang matuwid?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply