‘Di kinaya ang mga patakaran ni Mommy Divine: Gerald sumuko na sa panliligaw kay Sarah

TILA nauntog si Sarah Geronimo at muling bumalik sa dating ulirat. Kung noon ay sobrang hibang na siya kay Gerald Anderson, ngayon ay nakapag-isip-isip na ito nang maayos at muling nagpasakop sa kagustuhan ng inang si Mommy Divine.

Ayon kay Sarah, parang sinabi nitong kamuntik na siyang madala sa kanyang nararamdaman, mabuti na lamang at nandiyan parati ang kanyang mga magulang na laging gumagabay sa kanya. Sa puntong ito parang may natuklasan ang Pop Princess Kay Gerald.
Baka totoo nga ang bali-balitang merong non-showbiz girlfriend ang aktor na taga-Cebu at meron pang extra, huh! Hehehe!

Anyway, nangyari nga ang bulgarang ito sa musical-variety show ni Sarah sa ABS-CBN, ang Sarah G Live last Sunday kung saan special guest nito sina Mang Delfin at Mommy Divine. Samantalang si Ai-Ai delas Alas naman ang nagsilbing interviewer sa question and answer portion.

At ang tanging palusot na lamang ng dalaga sa tanong na kung sino ang nagpapatibok ng puso niya ngayon ay eto:

“Siguro, ano, kung sino man siya, kailangan ng konting panahon para mapatunayan ko sa sarili ko kung totoo ang tinitibok ng puso ko o kung totoo ang tinitibok ng puso niya.

“Sabi niya (na ang tinutukoy ay si Gerald), time will tell, and ang gusto ko ay kung sino ang gusto ng Diyos para sa akin.”

Samantala, sinagot ng kontrobersiyal na nanay ang mga lumabas sa Twitter na kesyo pinatigil nito si Gerald sa panliligaw sa kanyang dalaga dahil hindi niya ito gusto.

“Kami nga ni Daddy ang nagbigay ng permiso na ligawan siya (Sarah) sa bahay,” sabi ni Mommy Divine na pinasinungalingan ang nasabing tweets.

“Kinausap namin talaga siya (Gerald) nang pormal, at sabi ko, sa bahay lang puwede ligawan ang anak ko, hindi sa labas o sa text.

“Sabi ko, ‘Kung mapapasensiyahan mo ang patakaran naman namin, ganito kami, nirerespeto ka namin, pero sana respetuhin mo rin kami. Kasi babae ang anak ko.’

“Ewan ko lang kung dapat sabihin, pero mukhang…” ayon pa sa very caring na nanay na pinutol ni Sarah ang pagsasalita sa pamamagitan nang pagkurot dito.

Sinuportahan naman ng magaling na singer ang ina at sinabing, “Hindi po, sa totoo lang talaga, hindi po ang mommy ko ang nagpatigil kay Gerald na manligaw. Wala.”

Humingi rin siya nang tawad sa kanyang nanay, “Patawad po, dahil hindi ako naging perpektong anak. Kayo po ang nakaaalam kung ano ang makakabuti para sa akin. Hindi naman ako nagmamadali, Ma, muntik lang.”

Well, obviously ay hindi kinaya ni Anderson ang rules and regulations ni Momsky kaya hayan, nag-back out.

***

Michael Fermin kaibigan ng lahat

FIRST time naming ma-meet si Board Member Michael Fermin ng Bulacan pero naging kampante agad kami sa pakikipag-usap sa kanya. Mabait kasi siya at parating naka-smile. Nung datnan nga namin siya sa kanyang opisina, kausap niya ang isang grupo ng local media at tawanan lang sila nang tawanan habang nagkukuwentuhan.

Hindi siya katulad ng typical na politician na masyadong pormal at puro pagbubuhat ng sariling bangko ang alam. Siya ay casual na nakikipag-usap lamang, nakikinig sa sinasabi ng kaharap at nakikipag-biruan.

Puri-puri nga siya ng mga Bulakenyo. Sabi ng mga nakausap namin, isa raw talaga siya sa pinakabait na bokal sa nasabing lalawigan-kaya tropa sila ni Vice Governor Daniel Fernando. Pareho silang darling of the press.

Si Bokal Michael Fermin ay kinatawan ng first district ng Bulacan at siya ang Secretary General of the Provincial Board Members League of the Philippines (PBMLP)-Region III Chapter.

***

Arnel Pineda pinersonal ang isang contestant sa ‘X-Factor’

GAANO kaya katotoo ang tsismis na nasagap namin na pinersonal daw ni Arnel Pineda ang contestant na si Michael Pangilinan kaya hindi ito napasali sa Top 12 ng X-Factor Philippines?

Si Michael ay alaga ng katotong Jobert Sucaldito, at minsan na ring nakanti ng kapatid nating ito sa panulat ang isa sa judge na ‘to ng X-Factor kaya may palagay ang iba na kinana raw nito ang binata para malaglag sa kontensiyon. Maliban sa good-looks, magaling ding singer si Michael kaya nakagugulat talaga ang pagkakatsugi nito.

***

Para sa inyong opinyon at reaksyon, tumawag lamang o magtext sa  #09074582883 o kaya’y mag-email sa kuya_abepaul@yahoo.com at maari rin kaming mapakinggan sa Star na Star sa DWIZ 882 khz, 2-3 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply