DILG kinalampag sa kanselasyon ng klase, trabaho

MULING kinalampag ng Malakanyang ang mga local government officials hinggil sa executive order na tumutukoy sa kanselasyon ng mga klase at trabaho tuwing may bagyo o mga pag-ulan.

Ayon kay Usec. Abigail Valte, kinalampag na ni Pangulong Benigno Aquino III  si DILG Sec. Jesse Robredo na kausapin ang mga city at municipal mayors kaugnay sa nasabing patakaran.

Matatandaang  nagkaroon na naman ng pagkalito sa suspensyon ng mga klase sa harap ng pag-ulang dala ng low pressure area.

Aniya, dapat 4:30 pa lamang ng madaling araw nag-aanunsyo ang mga LGUs para hindi maperwisyo ang mga papasok na mag-aaral.

Ipinaubaya na nila sa DILG ang pagpapataw ng kaukulang parusa sa mga local officials na muling lalabag at hindi susunod sa bagong polisya.

Samantala, hindi nag-anunsyo ng suspension of work  ang Malakanyang sa  lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa kabila ng malakas na pagbuhos ng ulan at mataas na pagbaha sa ilang bahagi ng Kalakhang Maynila bunsod ng low-pressure area.

“I did make some queries this morning about whether there would be suspension of work in government offices. I have been advised that there will be none,” ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte sabay sabing “I’m sorry to be the bearer of bad news”.

Nauna  rito, kapuwa sinuspinde ng Senado at Korte Suprema ang pasok sa kani-kanilang tanggapan. Nagbabala naman ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa publiko na makakaranas ng mas malakas na pagbuhos ng ulan sa Metro Manila.

Sa kabilang dako, ang malakas na pagbuhos ng ulan simula pa kamakalawa (Hulyo 2) ng gabi  ay nagbigay na ng mataas na pagbaha ay pinagbatayan upang i-suspinde ang klase sa ilang paaralan sa Kalakhang Maynila.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply