Disaster management plan sa Marikina pinaigting pa

UPANG mapanatili ang “zero rescue at zero casualty”  tuwing may kalamidad, patuloy pang pinaiigting ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang disaster management plan at mga programa ng lungsod sa oras ng sakuna.

“Ang Marikina ay laging handa sa anumang sakuna sa pamamagitan ng operasyon ng Rescue 161. Subalit kinakailangan pa rin ang pagpapabuti sa ating mga plano upang mas matiyak ang kaligtasan ng mga residente. Kaya naman ang himpilan ng ating disaster operation ay ililipat sa mas moderno at maayos na gusali,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Ang Marikina City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO) na pinamumunuan ni Officer-in-Charge Kristin Roxas ay itinalaga sa ikalawang palapag ng Healthy City Center sa kahabaan ng Shoe Avenue sa Brgy. Sto. Niño kung saan ilalagay doon ang mga monitor na nagpapakita ng mga kuha mula sa mga close-circuit television (CCTV) camera na nakalagay sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Patuloy din ang ginagawang mga pagsasanay ng mga kawani ng Rescue 161 sa pagbibigay ng paunang lunas o first aid at basic life support, water safety, rubber boat handling, rappelling at swift water rescue.

“Sa nakalipas na dalawang taon, ang lokal na pamahalaan ay nagpakita ng magandang pagganap sa disaster management tulad noong nagdaang Bagyong Falcon at Pedring noong 2011. Maging si MMDA Chairman Francis Tolentino ay pinapurihan ang naging pagkilos ng lungsod upang maisakatuparan ang zero rescue at zero casualty sa mga nasabing Bagyo,” wika ni Head Executive Assistant Victoriano Sabiniano Jr.

Dagdag pa ni Sabiniano, ang lungsod ay may sapat na kagamitan tulad ng mga rubber boat at speed boat sa nakalipas na dalawang taon. Ayon pa sa kanya, ang lokal na pamahalaan ay patuloy na nag-iipon upang makabili ng dagdag pang kagamitan na talagang kailangan
ng lungsod.

“Sa oras ng kalamidad, ang ilang lungsod ay naghihiram ng ilang kagamitan sa Marikina sapagkat tayo ay modelong siyudad sa pagiging handa tuwing may sakuna. Ang lokal na pamahalaan ay patuloy sa pagsisikap na maging handa sa sakuna at maiwasan ang pinsalang tulad ng sa Bagyong Ondoy noong 2009,” wika ni Sabiniano.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply