DOE: Suplay ng LPG magno-normal na

PINAWI ngayon ng Department of Energy (DOE) ang pangamba ng publiko sa kakulangan ng supaly ng LPG sa bansa na inaasahan na magiging normal na umano ngayong katapusan ng linggo dahil sa pagdating ng mga “imported” na suplay nito.

Sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau head, Zenaida Monsada na maglalagay rin sila ng “hotline” para pagsumbungan ng publiko sa mga lugar na patuloy na magkakaroon ng kakapusan sa suplay ng LPG at hinihinalang may nagaganap na “hoarding.” Pansamantala namang maaaring itawag ang mga reklamo sa DOE sa telepono bilang 840-2114.

Ipinaliwanag ni Monsada na ang naranasang kakapusan sa suplay ay dahil sa pagka-antala ng isang “tanker” na siyang may dala ng suplay na LPG ng importer na Liquigaz na siya namang nagbebenta nito sa mga “independent retailers” kabilang ang mga miyembro ng LPG Marketer’s Association (LPGMA).

Ito’y dahil sa matinding bagyo na naranasan kamakailan ng bansang Taiwan kung saan nangagaling ang “shipment.”

Inaasahang nakarating na umano ang naturang shipment ngayong Biyernes at inaasahang babalik na sa normal ang suplay ng LPG.

Matatandaan na nagreklamo ang LPGMA sa pangunguna ni Rep. Arnel Ty na may nagaganap umanong “hoarding” sa LPG at itinuturo ang mga malalaking kompanya ng langis na sinabi naman ng DOE na kanilang iimbestigahan.

Sinabi ni Monsada na maaaring magpatawag sila ngayon ng isang pagpupulong ng mga sangkot sa industriya upang masolusyunan at hindi na maulit ang naturang insidente.

Hindi naman kinumpirma ng DOE ang babala ng LPGMA na maaaring tumaas ang presyo ng cooking gas ng P7 kada kilo o P77 kada tangke sa darating na Agosto 1. (Johnny F. Arasga)

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply