DOH: 1 year old boy ang nagpositibo sa EV-71

KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na isang 1-taon at pitong buwang gulang na sanggol na lalaki mula sa Davao City ang nagpositibo sa Enterovirus (EV-71) sa bansa.

Sa isinagawang pulong balitaan kanina, sinabi ni Health Secretary Enrique Ona na walong specimen ang ipinasuri nila sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) mula Hulyo 10-14.

Sa walo, ang anim ay mula sa Calabarzon habang dalawa ang galing sa Davao. Sa walo, isa rito ay babae.

Anim umano sa mga ito ang unang nagpositibo sa sakit sa isinagawang screening ngunit malaunan ay isa lamang sa kanila ang nakumpirmang positibo sa EV-71.

Sinabi naman ng Kalihim na maayos na ang kondisyon ng bataat nakarekober na ito sa karamdaman.

Ani Ona, walang history na lumabas ng bansa ang bata at kasalukuyan na aniya itong nasa kanilang tahanan at nagpapahinga para sa tuluyang paggaling.

Nilinaw din nito na hindi nahawa ang pamilya ng bata sa sakit maging ang mga residente sa kanilang barangay.

Nabatid na nakitaan ng lagnat, rashes sa kamay, labi at buttocks ang bata bago pa natukoy na mayroon itong EV-71.

Samantala, agad namang pinawi ni Ona ang pangamba ng publiko at ipinaliwanag na mild case lamang ito at hindi katulad ng naitalang deadly virus sa Cambodia na kumitil sa 55 buhay.

Nagpaalala rin ang DOH na mahalaga ang tamang hygiene lalo na ang paghuhugas ng kamay at pagkonsulta sa doktor kapag may nakita ng sintomas ng Hand Foot and Mouth Disease (HFMD) sa isang miyembro ng pamilya.

Hinimok rin ng DOH ang publiko na manatiling vigilant laban sa sakit upang makaiwas dito.

Nagpulong na rin naman ang mga physician mula sa iba’t ibang pagamutan sa Metro Manila at Medical Societies sa DOH National Epidemiology Center para sa orientation hinggil sa mga gabay sa Surveillance at Clinical Case Management ng HFMD.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply