DOH: 1,600 katao naitalang may HIV/AIDS

UMAABOT na sa 1,600 ang naitalang HIV/AIDS cases sa bansa ngayong taong 2012, ayon sa ulat ng Department of Health (DOH).

Ito’y matapos na makapagtala sila ng 295 bagong kaso ng HIV noong Hunyo, kabilang ang 16 AIDS cases.

Batay sa HIV and AIDS Registry ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), ito’y mas mataas ng 66 porsiyento kumpara sa 178 kaso sa kahalintulad na buwan noong taong 2011.

Isang 35-taong gulang na lalaki ang iniulat na nasawi nitong Hunyo.

Nabatid na ang Metro Manila ang may pinakamaraming kaso na naitala na umabot sa 58 porsiyento, kasunod ang Calabarzon (12%), Davao (11%), Central Visayas (9%) at Central Luzon (6%).

Ayon naman kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, director ng DOH-NEC, ito ang isa sa mga buwan na nakapagtala ng maraming kaso ng sakit ang DOH.

Iniulat din ni Tayag na mas mataas ang naitalang mga kaso ng sakit ngayong taon kumpara sa 1,591 kaso na naitala para sa buong taon ng taong 2010, habang nasa 2,349 kaso ng sakit naman ang naitala noong taong 2011.

Labis namang ikinaalarma ng DOH ang pagkabatid na dumarami ang mga biktima ng sakit na mula sa mga injecting drug users (IDUs).

May 20 kaso ng injecting drug user, na pawang mula sa Cebu City, ang naitala ng DOH noong Hunyo, sanhi upang umabot na sa 120 ang bilang ng mga ito ngayong taon.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply