DOH: Dengue ‘year round threat’, publiko pinag-iingat

PINAALALAHANAN ng Department of Health (DOH) ang publiko na pag-ibayuhin pa ang pag-iingat upang hindi dapuan ng dengue.

Ang paalala ay kasunod nang pangamba ng ilan hinggil sa misteryosong respiratory disease na nambiktima ng maraming paslit sa Cambodia.

Gayunman, ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), nananatiling prayoridad ng DOH ang pagsugpo sa dengue na isang ‘year-round threat’, at hindi kayang solusyunang mag-isa ng pamahalaan.

“Isa sa pinakamahirap i-prevent ang dengue. Kailangan puspusang regular at sama-sama, hindi pwedeng pamahalaan lang,” ayon kay Tayag.

Kasabay nito, iniulat ni Tayag na hanggang noong Hunyo 23, nakapagtala na ang DOH ng 39,406 kaso ng dengue kung saan 246 sa mga ito ang nasawi.

Ang naturang bilang, aniya, ay mas mataas ng 10 porsiyento kumpara sa naitala nilang kahalintulad na kaso sa nakaraang taon.

Ayon kay Tayag, kailangang panatilihin ng mga mamamayan ang kanilang mga tahanan na malinis upang hindi pamahayan ng mga lamok na nagdadala ng dengue.

Tiniyak rin naman ni Tayag na doble kayod sila upang matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang misteryosong sakit sa Cambodia.

Una nang inatasan ni Health Secretary Enrique Ona ang Bureau of Quarantine na masusing i-monitor sa mga international airports ang mga pasaherong papasok ng bansa, partikular na yaong may karamdaman.

Gayunman, nilinaw ng Kalihim na walang travel restriction papasok at palabas sa Cambodia sa kabila nang pangamba sa tinatawag na ‘Cambodia respiratory disease.’

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply