DOH sa PWDs: Magparehistro para sa health benefits

HINIHIKAYAT Department of Health Center for Health Development – National Capital Region (DOH CHD-NCR) ang lahat ng mga Persons with Disabilities (PWD) sa Metro Manila na magparehistro sa kani-kanilang mga lungsod at munisipalidad.

Ito’y upang makakuha sila ng mga health benefits na ipinagkakaloob sa mga taong may kapansanan sa ilalim ng Magna Carta for Persons with Disabilities.

Ayon kay DOH CHD-NCR Regional Director Eduardo Janairo, target nilang mairehistro ang lahat ng PWDs sa Metro Manila upang mabigyan ang mga ito ng mga benepisyo.

Bawat lungsod at munisipalidad aniya ay dapat na mayroong Person with Disability Affairs Office (PDAO) kung saan maaaring magparehistro ang mga taong may kapansanan at mabigyan sila ng mga kinakailangang dokumento para mapagkalooban ng mga benepisyo.

Kabilang sa mga benepisyong ipinagkakaloob sa PWDs ay 20 porsiyentong discount privilege sa pagbili ng mga gamot at iba pang pangunahing serbisyo.

Plano rin naman ng DOH na hanapin at maipatala ang mga PWD sa bawat barangay sa pamamagitan ng Community Health Teams (CHTs) na ipapakalat sa iba’t ibang lugar sa rehiyon kung saan sila magsasagawa ng intensibong house-to-house survey at irehistro ang mga hindi kayang makapunta sa city at municipal office, kabilang ang mga anak ng mga pamilyang may bingot o cleft lip at cleft palate.

Batay sa pinakahuling PWD Registry na isinagawa ng CHD-NCR, hanggang nitong Abril, 2012 ay mayroon nang kabuuang 1,112 rehistradong PWDs sa Metro Manila.

Nangunguna sa listahan ng mga nagparehistro ay yaong may mga hearing impairment o diperensiya sa pandinig ( 476), sumunod ang orthodontic disability o may mga bingot (167) at pangatlo ang may visual impairment o diperensiya sa paningin (141).

Ang mga lalaking PWDs ay umabot sa bilang na 650 habang ang mga babae naman ay 462.

Ang NCR ang naitalang pang-apat sa mga rehiyon sa bansa na may pinakamaraming bilang ng PWDs na nagparehistro.

Nanguna ang Region 2-Cagayan Valley (3,149), kasunod ang Region 3-Central Luzon (3,004) at pangatlo ang Region 4B-MIMAROPA (1,559).

May siyam na uri ng kapansanan na tinutukoy sa sistema na kinabibilangan ng chronic illness, speech at hearing impairment, learning, mental, orthodontic, psychosocial, visual at yaong may multiple disabilities.

Ginugunita sa bansa ngayon ang “National Disability Prevention and Rehabilitation Week” mula pa noong Hulyo 17 na magtatagal hanggang sa Lunes (Hulyo 23), batay na rin sa Presidential Proclamation No. 361 of 2000.

“I enjoin the Metro Manila local chief executives to support our PWDs as we aim to provide PWDs equal opportunities so that they may participate actively in our society,” pagtatapos pa ni  Janairo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply