Erap: Nasa puso ni Dolphy ang pagtulong sa kapwa artista

HINDI nag-dalawang isip si Dolphy, Rodolfo Vera Quizon sa tunay na buhay, upang matulungan ang mga naghihikahos na kasama sa indisutriya ng pelikulang Pilipino.

Ayon kay dating Pangulong Joseph Estrada, isa ang tinaguriang Hari ng Komedya sa Pinilakang Tabing, sa mga instrumentong personalidad sa pagtatayo ng Movie Workers Welfare Foundation Inc. (MowelFund) na nagbibigay ng libreng pag-aaral sa mga anak ng mga nagta-trabaho sa industriya.

“Noong sinabi ko kay Dolphy na itatayo ko ito, hindi siya nagdalawang isip at tumulong agad,” ayon pa sa isang panayam kay Estrada.

Bukod kay Dolphy, naging katuwang din ng dating Pangulo ang yumaong Fernando Poe Jr. sa itinayong organisasyon na nagbibigay ng kagalingan sa mga manggagawa sa industriya.

Ayon pa kay Estrada, ang mga movie workers ang mga nauuna sa set, nagpupuyat pero kakaunti lamang ang tinatanggap na sahod, kaya hindi makapag-aral ang kanilang mga anak at hirap sa buhay tuwing may magkakasakit sa kanilang pamilya.

“Sa pamamagitan ng MowelFund, natutulungan na silang mapag-aral ang kanilang mga anak, at nabibigyan pa sila ng tulong sa kanilang pagkakasakit,” dagdag pa ni Estrada, na bagama’t hindi nakasama sa isang pelikula si Dolphy, ay nagsama naman sila sa iisang studio noong pareho na silang nasa kasikatan.

Naniniwala rin si Estrada na walang kasalukuyang artista ang makakapantay sa galing at talino ni Dolphy sa larangan ng pag-arte, ito may ay pagpapatawa, pagpapa-iyak, o pag-kanta,

Aniya, posibleng umabot ng isang siglo bago makatagpo ang Pilipinas ng katulad ni Dolphy, matapos na bawian ito ng buhay noong Martes ng gabi sa Makati Medical Center, sa lunsod ng Makati.

“Alam nyo, walang katulad si pareng Dolphy. Siguro mga 100 years pa bago tayo magkaroon ng panibagong Dolphy,” opinyon pa ni Estrada.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply