Driver ng judge, kamag-anak ng politiko tiklo sa droga

POLA, Oriental Mindoro-Dalawang pinaghihinalaang tulak ng shabu ang naaresto sa buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police at Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) sa bayang ito kahapon ng umaga.

Sa inisyal na report ni P/Sr. Inspector Aldwin R. Santos, hepe ng Pola PNP kay P/Senior Superintendent Anthony Alcaneces, provincial director ng Oriental Mindoro PNP, ang mga suspek ay nakilalang sina Larry M. del Mundo, 47, ng Alikpala St., Sitio Tondo, Barangay Zone 1 at Charlemagne Umbao, 34, ng Barangay Zone 2, sa bayang ito.Ayon kay P/Sr. Inspector Santos, bandang alas-10:30 ng umaga, parehong nahuli sa akto ang dalawa na nagbebenta ng umano’y shabu na nakalagay sa plastic sa magkahiwalay na buy-bust operation sa kanilang barangay.

Dalawang ahente ng PDEA ang umaktong poseur-buyer ng shabu na inakala naman ng dalawang suspek na mga parukyano nila na napagawi sa bayang ito na pinagmulan ni dating Vice-President Noli de Castro.

Narekober mula sa dalawa ang mga crystalline substance na pinaghihinalaang shabu na nakalagay sa plastic sachet na hindi pa malaman ang tamang timbang at dalawang 500 peso bills na marked money.

Ayon sa isang pulis na ayaw magpabanggit ng pangalan, si Del Mundo ay driver umano ng isang Regional Trial Court judge sa karatig na bayan ng Pinamalayan at dating tauhan ng kilalang pamilya sa naturang bayan.

Si Umbao naman ay malapit na kamag-anak ng ilang pulitiko sa Pola at bayan ng Socorro.

Inamin ng dalawa sa PDEA agents na pinasok nila ang ganoong hanapbuhay upang makatulong sa kani-kanilang pamilya at ikinanta na rin nila ang pinagkukunan nila ng shabu at mga suki nila.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply