Edukasyon sa kulungan

ISANG mahirap tanggapin sa kalooban ay kapag makulong ka sa Bilibid. Lalo na kapag ang paniwala mo ay wala kang kasalanan o kaya’y ang nagawang kasalanan ay dulot ng matinding pangangailangan o bugso ng damdamin. Ganunpaman kailangang tiisin at pagsilbihan ang parusang ipinapataw.

Bilang isang abogado at dating konsehal, malimit kong bisitahin ang mga nakakulong sa Quezon City Jail. Minsan ay nagpa-contest ako noon ng pinakamalinis na selda.

Taon-taon kapag councilor’s week ay nagbibigay kami ng damit at pagkain sa inmates. At may mga pagkakataon na maanyayahan ako bilang keynote speaker sa graduation sa loob ng kulungan.

Attorney, bakit may graduation ba sa  loob? Oo. Ito ay kaugnay sa napakagandang programa ng Kagawaran ng Edukasyon sa Alternative Learning System (ALS).

Ang ALS ay isang programa na binibigyan ng pagkakataong makapag-aral at makapagtapos ang isang tao na hindi nakapag-aral sa ilalim ng isang formal school system.

May basic literacy program na katumbas sa pag-aaral ng elementary at high school.

Bagama’t nasa kulungan ang isang tao ay maari siyang makapag–aral at makapagtapos ng elementary o high school sa ALS. At marami na ang kumuha ng programang ito. Ilang graduation na ng ALS sa kulungan ang napuntahan ko at nakatutuwa naman at bagama’t nasa kulungan sila ay hindi ito naging hadlang para matupad nila ang mga pangarap nila sa buhay.

Sa aking talumpati at pagbati sa kanilang pagtatapos ay lagi kong pinaaalala sa kanila na hindi sila permanente at habambuhay sa kulungan. Darating ang araw na makalalabas din sila at haharap sa hamon sa buhay bilang isang malayang nilalang. At sa paglabas nila sa kulungan, hindi na sila dapat bumalik at dapat ay maging kapaki-pakinabang na sila sa lipunan. Kaya’t mabuti at may ALS na upang habang binubuo niyo ang parusang kulong ay inihahanda naman ninyo ang inyong sarili sa paglaya. Nakalulungkot kasi na may mga lumaya na pero dahil hindi nakapag-aral ay wala silang makuhang trabaho. Resulta ay palaboy sila sa kalsada at malamang makagawa na naman ng krimen na maghahatid sa kanila pabalik sa kulungan.

Maraming inmates ang licensed teachers at college professors. Binibigyan ang mga ito ng pagkakataon na turuan ang kapwa inmates. Mabuti rin ito upang hindi kalawangin ang mga guro at professional na pansamantalang nakakulong. Paglabas nila ay maaari pa rin nilang magamit ang kanilang profession sa panibago nilang buhay.

At ang mga graduate ng ALS ay mahuhusay na rin. Marami sa pumasa ng elementary sa ALS na nakalaya na ang nasa high school level na. Ang mga graduate naman ng ALS high school ay nasa college level na o di kaya ay kumukuha ng technical at vocational courses.

Sa mga readers natin na may kaibigan o kamag-anak na nakakulong ngayon. Himukin natin silang makapag-aral sa ilalim ng ALS. Upang sa kanilang paglaya ay handa sila sa hamon ng buhay at hindi na muli sila babalik sa kulungan.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply